Usec. Lamentillo, inilunsad ang dalawang bagong aklat na ‘Night Owl’

Usec. Lamentillo, inilunsad ang dalawang bagong aklat na ‘Night Owl’

PORMAL na inilunsad ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Undersecretary Anna Mae Yu Lamentillo ang dalawang bagong librong “Night Owl” sa isang seremonya na ginanap sa The Manila Hotel noong Martes, Marso 14.

Inilunsad ni Lamentillo ang Night Owl: Second Edition na kinabibilangan ng bagong kabanata sa programang Build Better More ng kasalukuyang administrasyon, na nagpapatuloy sa mga nasimulan ng Build, Build, Build; at ang isinalin na Night Owl: Edisyong Filipino.

Dalawang dating pangulo ang dumalo sa okasyon si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, at si Deputy House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo.

Dumalo rin ang mga senador na sina Mark A. Villar, Christopher Lawrence “Bong” Go, Francis Tolentino, at Cynthia Villar; dating Transportation Secretary Arthur Tugade; dating Defense Secretary Delfin Lorenzana; dating National Security Adviser Hermogenes Esperon; Land Transportation Office Chief Jay Art Tugade; Manila Bulletin President Dr. Emilio Yap III, gayundin ang iba pang opisyal ng gobyerno, ambassador, miyembro ng diplomatic corps, at media.

Sa kanyang talumpati, ibinahagi ni Lamentillo ang ilan sa kanyang mga karanasan bilang bahagi ng Build, Build, Build team ang mga hamon na kanilang nilampasan at ang mga repormang kailangang isagawa.

“Isang malaking karangalan na mapabilang sa mga kalalakihan at kababaihan na nagpapakita ng tunay na pamumuno at serbisyo publiko. Lubos kong ipinagmamalaki na makasama ang 6.5 milyong Pilipino na nagtrabaho at nagsakripisyo upang maisakatuparan ang adhikain. Napakasaya na maging bahagi ng isang makabuluhang gawain para sa ikabubuti ng karamihan,” sabi niya.

Ang “Night Owl: A Nationbuilder’s Manual” ay nagsasalaysay ng paglalakbay ng bansa tungo sa pagpapabuti ng buhay at masaganang oportunidad na dulot ng programang pang-imprastraktura ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito rin ay ulat sa mga nagawa ng Build, Build, Build, partikular na ang 29,264 kilometrong kalsada, 5,950 na mga tulay, 11,340 estrukturang pang-iwas ng baha, 222 na mga evacuation centers, 150,149 na mga silid-aralan, 214 na mga paliparan, at 451 na mga daungan na itinayo sa panahon ng administrasyong Duterte.

Bilang dating chairperson ng Build, Build, Build Committee sa ilalim ng Department of Public Works and Highways (DPWH), isinalaysay din ni Lamentillo sa libro kung paanong ang DPWH, sa pamumuno ni noo’y Kalihim Mark A. Villar, ay nakahanap ng solusyon sa mga problema sa right-of-way, mga ghost project, at hindi naabot na mga deadline.

“Sa pamamagitan ng Night Owl, nais naming maalala ang mga taon ng administrasyong Duterte bilang isang kilusan ng sambayanang Pilipinong nagnanais ng pagbabago at kumilos para maisakatuparan ito. Mataas ang ating pangarap para sa ating bansa,” sabi ni Lamentillo.

Ang Night Owl ay inakda ni Lamentillo, inedit ni AA Patawaran at Richard de Leon ng Manila Bulletin, at inilathala ng Manila Bulletin Publishing Corporation.

Follow SMNI NEWS in Twitter