MALIBAN sa Philippine Red Cross (PRC), ay malaki rin ang pagkakautang ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa mga pribadong ospital sa bansa.
Ito ang ibinunyag ng Private Hospitals Association of the Philippines (PHAPI) kung saan sinabi ni PHAPI President Dr. Jose Rene Grano na nasa P4-B pa ang utang ng state insurer sa mga pribadong hospital.
Aniya, ito ay utang pa ng PhilHealth noong nakaraang pandemya.
Saad nito, sa pagtaas ng halaga ng ospital cost ngayon dahil sa pagtaas ng presyo ng supplies ay apektado rin ang mga pribadong ospital kaya malaking bagay aniya na makakapagbayad ng claims ang PhilHealth.
Ayon dito, hindi tulad ng mga public hospitals, ay walang tinatanggap ng subsidiya ang mga pribadong ospital sa bansa.
“Lahat ng cost ng mga gamot, supplies, tumaas din yong sweldo (ng mga health workers). Those things affect the hospitals especially the private hospitals kasi wala naman kaming subsidy from the government. Kaya din, tumataas ang hospitalization cost ng mga private hospitals,” ayon kay Dr. Jose Rene de Grano, President, PHAPI.
Dahil aniya sa mataas na utang ng PhilHealth ay may ibang mga ospital ang nag-iisip na huwag ng tumanggap ng mga pasyente o benepisyaryo ng PhilHealth pero ang isinasaalang-alang na lang nila ngayon ay ang kapakanan ng mga pasyente na umaasa ng malaki sa state insurer.
“Kasi malaking epekto rin ‘yon sa mga pasyente, kasi that around, of the hospital bill, that’s around 90 percent of the hospital bill ng pasyente. Malaki din iyon lalo na sa mga maliliit ang kita, so kawawa rin yong mga pasyente,” ani De Grano.
Saad pa nito, mas maigi para sa PhilHealth na bayaran ang mga pagkakautang ng mga ito kesa ibalik sa National Treasury ang sobrang halos P90-B na unused subsidy fund gaya ng naging pahayag nito noong nakaraang buwan.
“Tuluy-tuloy naman ang reconciliation na ginagawa namin with PhilHealth, ‘yan ‘yong pagkakautang pa from 2019- siguro to 2-4 years. Kung bayaran na lang nila ‘yong pagkakautang nila sa amin, P90-B ‘yon ah, kesa ibalik sa treasury bayaran na lang muna nila ang pagkakautang nila,” dagdag pa nito.
Pero saad naman ng PHAPI na nangako naman ang PhilHealth na babayaran ang mga utang sa kanila.