NADISKUBRE sa pagdinig sa Kamara para sa 2025 proposed national budget na pumatak na sa P15.69 trillion ang utang ng Pilipinas.
At ayon kay Appropriations Vice Chairman Stella Quimbo, nasa 60.9% ang debt-to-GDP ratio ngayon ng bansa.
Ang debt-to-GDP ratio ay isang sukatan na ginagamit upang ihambing ang kabuuang utang ng isang bansa sa Gross Domestic Product (GDP) nito.
Ipinapakita nito kung gaano kalaki ang utang ng gobyerno kumpara sa halaga ng mga produkto at serbisyong nalilikha ng ekonomiya ng bansa.
Kapag mababa ang ratio, nangangahulugan na kayang bayaran ng bansa ang utang nito batay sa nalilikhang yaman, kaya’t mas mainam ang kalagayang pang-ekonomiya.
Kapag mataas ang ratio, maaaring mahirapan ang bansa sa pagbabayad ng utang, na nagpapahiwatig ng maselang sitwasyong pinansiyal.
Target ng Marcos Jr. government na bumaba sa 56.3% ang debt-to-GDP ratio ng Pilipinas sa taong 2028.
Ayon sa Bureau of Treasury, nadagdagan ang P206.49-B ang utang ng bansa nitong Hulyo para pondohan ang mga proyekto ng pamahalaan gamit ang project loans.
Pero ayon sa Kamara, ginagamit naman ang perang inutang para palaguin ang ekonomiya ng bansa.
“So bagama’t umuutang tayo, dapat magamit nang tama ang utang such that lumago ang ating ekonomiya. Kasi hindi dapat mapunta tayo sa isang sitwasyon na umuutang tayo pero ‘yong utang na yan ay nagiging behest. So ‘yon ang hindi pwedeng mangyari,” ani Quimbo.