Vacation leave sa mga BI personnel sa NAIA, hindi pahihintulutan ngayong Kapaskuhan

Vacation leave sa mga BI personnel sa NAIA, hindi pahihintulutan ngayong Kapaskuhan

INAASAHAN na ngayong holiday season na dadagsain ang mga pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at iba pang pangunahing international airport sa bansa.

Kaya naman upang tiyakin na sapat ang tao at maayos na mapaglingkuran ang mga pasahero, ipinagbabawal muna na magbakasyon ang mga tauhan ng ahensya partikular ang mga nakatalaga sa paliparan ngayong Kapaskuhan.

Inihayag ni Immigration commissioner Norman Tansingco na ipagbabawal muna ang vacation leave mula Nobyembre 15, 2022 hanggang Enero 15, 2023 upang matiyak ang tuluy-tuloy na paghahatid ng mga serbisyo ng BI sa mga international passenger na inaasahang dadagsa papasok at palabas ng bansa sa panahon at pagkatapos ng Christmas break.

Paglilinaw ni Tansingco na ang pagdagsa ng mga pasahero sa NAIA ay nagsimula nang tumaas hindi lamang dahil sa papalapit na Kapaskuhan kundi dahil sa unti-unti na ring pagluwag ng restriction na mga pumapasok at lumalabas na  mga dayuhan at Pilipinong manlalakbay simula nang manalasa ang pandemya.

Aniya, ang pagbabawal na bakasyon ng mga tauhan ng BI Port ay naglalayon na maiwasan ang mahabang pila sa mga paliparan tuwing panahon ng Kapaskuhan kung saan palaging may malaking pagtaas ng bilang ng mga pasaherong pumapasok at lumalabas sa ating bansa.

Ipinunto rin ng BI chief na ang leave ban sa lahat ng empleyado ng BI na nakatalaga ay hindi lamang sa NAIA kundi pati na rin sa iba pang international port tulad ng sa Mactan, Clark, Davao, at Kalibo.

Dagdag pa ni Tansingco, maliban sa mga medikal at emergency na dahilan, walang application for leave ng sinumang BI Port personnel ang aaprubahan habang umiiral pa ang 2 buwang leave ban.

Ibinunyag din niya na bukod sa mga opisyal ng BI na nakatalaga sa mga Immigration counter ng paliparan, ang isang special team ng mga opisyal ng BI ay palaging naka-standby upang dagdagan at tumulong sa pagproseso ng mga paparating at papaalis na mga pasahero.

 

Follow SMNI News on Twitter