Vaccination program ng pamahalaan kontra COVID-19, sisimulan ngayong buwan

UUMPISAHAN na ng pamahalaan ang huli at ika-apat na yugto ng National Action Plan pagdating sa ginagawa nitong hakbang bilang pagtugon sa pandemya.

Ayon kay Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles, papasok na ang Phase 4 o ang huling yugto kung saan nakatuon na ang pamahalaan sa vaccination roll-out matapos maaprubahan ang COVID-19 mass vaccination plan.

Sa inisyung memorandum ng National Task Force Against COVID-19, inilatag na ng national government ang kanilang plano at atas sa mga private stakeholders sa pag-arangkada ng programa para sa pagbabakuna laban sa nakamamatay na coronavirus.

Kasunod nito, binigyan na rin ng direktiba ang mga local government unit (LGU) na magtayo na ng Vaccination Operation Centers (VOCs) sa lalong madaling panahon.

Sa naturang COVID vaccination plan ng pamahalaan, nakasaad dito na kailangang mag-report sa mga VOCs ang implementing units kasama na ang mga government hospital, private clinics, governemnt agencies, rural health units at mga city at municipal health offices.

Nahahati naman sa ilang bahagi ang vaccination plan, una ay ang initial vaccine procurement, sunod ang shipment at storage, distribution and deployment at implementation of vaccination at assessment.

Samantala, may payo ang mga eksperto sa harap ng nalalapit na pagdating ng COVID-19 vaccine sa Pilipinas.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, dapat munang kumonsulta sa mga doktor bago magpabakuna laban sa coronavirus.

Paliwanag ni Vergeire, dapat kasing malaman at matalakay ng mga doktor ang medical history ng isang pasyente bago ito mapagkalooban ng COVID vaccine.

SMNI NEWS