HINDI kumbinsido si Minority Leader Franklin Drilon na kakayanin ng bansa na makapag-secure ng 148 million doses ng bakuna kontra COVID-19 para vaccination program ng pamahalaan sa 50 hanggang 70 milyong Pilipino.
Paliwanag ni Drilon, malabo ito lalo pa’t wala pang bakuna ang naiisyuhan ng permit o ng Emergency Use Authorization mula sa FDA at hanggang ngayon aniya ay hindi pa dumadating ang loan ng gobyerno para sa pag-procure ng bakuna.
“Parang suntok sa buwan ang vaccination program lalo na ‘yung sinasabi nila na 148 million doses within the year. The arrival of the vaccines is not even definite,” pahayag ni Drilon.
“How can they say that they will be able to purchase 148 million doses by the end of 2021 when up to now, we haven’t given any Emergency Use Authorization to any vaccine and we have not been able to raise, through loans, all the needed amount for the purchase of the vaccines?” aniya pa.
Matatandaan na ngayong buwan ay sinabi ni FDA Director Gen na maaari nang ma-release ang resulta ng aplikasyon ng Pfizer at AstraZeneca para sa Emergency Use Authorization habang naka-pending pa rin ang aplikasyon ng Sputnik V.
Sinabi naman ni Vaccine Czar na nasa 30-40 milyon doses na ng bakuna ang nai-secure ng pamahalaan at patuloy aniya ang negosasyon ng pamahalaan mula sa pitong pharmaceutical company.
Samantala, marami sa mga senador ang pumalag sa pahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi maaring maging pihikan o mapili ang publiko pagdating sa bakuna.
Ayon kay Roque, Sinovac vaccine mula sa China ang tanging bakuna na darating sa bansa sa unang quarter ng taon o mula Pebrero hanggang Hunyo at wala aniyang magpipilian ang publiko.
Ayon kay Sen. Drilon ang naging pahayag ng Palasyo ay hindi makatutulong para maiwala sa publiko ang takot sa pagbabakuna.
Si Sen. Hontiveros naman ay sinabing tigilan na ng Palasyo ang pananakot sa publiko.
Si Detained Senator Leila de Lima ay sinabi naman maging ang Davao City na hometown ni Pangulong Rodrigo Duterte ay hindi bibili ng Sinovac vaccine.
Si Senator Lacson naman ay sinabi na sa halip na mag-endorso ng nag-iisang brand ang gobyerno ay sinabi nitong mas dapat gamitin ng bansa ang mga bakunang mas may mataas na efficacy para makuha ang kumpyansa ng publiko sa pagbabakuna.
Una namang sinabi ni Sec. Roque na sa Hulyo pa darating ang bakuna mula sa Western Countries pero sa pagdinig ng Senado kamakailan ay sinabi ni Vaccine Czar Carlito Galvez na maaaring isa ang Pfizer sa unang bakunang gagamitin sa bansa sa Pebrero sa pamamagitan ng COVAX facility na bahagi ng distribution effort ng World Health Organization.
Ayon kay Galvez nasa 40 Million doses ang maaaring makuha ng bansa sa Pfizer, 25-30Million doses mula sa AstraZeneca, sa Sinovac at Gamaleya ay nasa 25 Million doses naman.