POSIBLENG scam o may kinalaman sa pulitika ang umano’y ‘vaccination slot for sale’.
Batay ito sa imbestigasyon ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at anti-Cybercrime Group (ACG).
Ayon kay PNP Chief Police General Guillermo Eleazar na kung titingnan, parehong negosyante ang inalok ng bakuna at slots sa mga Local Government Units (LGU) kaya posibleng sila lang ang tinatarget ng mga scammer.
Maliban dito, posibleng paraan din ito para sirain ang vaccination program ng mga LGU ng mga kalaban.
Muling hinimok ni Eleazar ang publiko na isumbong sa kanila ang sinumang mag-aalok ng bakuna kontra COVID-19 lalo’t libre itong ibinibigay sa LGU.
Palasyo hinimok ang mga LGUs na magpasa ng ordinansa laban sa pagbebenta ng vaccination slots
Nanawagan ang Malacañang sa mga LGUs na magpasa ng ordinansa at magpapataw ng parusa sa mga indibidwal na sangkot sa COVID-19 ‘vaccination slot for sale’.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, dapat magkaroon ng malinaw na legal na basehan upang parusahan ang mga indibidwal na gumagawa nito.
Ang kaparehong ordinansa ay pinirmahan na rin sa lungsod ng Maynila na nagbabawal sa kahit na sinong tao, institusyon, korporasyon grupo o organisasyon na magbenta, mamahagi at magturok ng mga bakuna laban sa COVID-19 para sa pera.
Ang mga lalabag sa nasabing ordinansa ay mapaparusahan ng 5,000 piso at makukulong ng hanggang 6 na buwan.