HINDI alintana ang haba ng oras ng paghihintay, dagsa ang mga taga-Bukidnon at karatig-bayan sa open grounds ng lungsod ng Valencia para sa isang kampanyang hindi lang pampolitika, kundi moral at makabayan.
Pinangunahan ito ng grupong Hakbang ng Maisug, isang kilusang naninindigan para sa lideratong Maka-Diyos, walang bahid ng korapsyon, at may matibay na paninindigan para sa kapakanan ng mamamayan.
Kasama sa pagtitipon ang mga kinatawan ng PDP-Laban senatorial candidates, pati na rin ang espesyal na kinatawan ni Pastor Apollo C. Quiboloy—na siyang naging sentro ng isang makabuluhang talumpati na bumangon sa damdamin ng marami.
Sa harap ng libu-libong mamamayan, isa-isang nagsalita ang mga kinatawan ng mga kandidato, bitbit ang kani-kanilang panawagan para sa reporma at moral na pagbabagong kinakailangan ng bansa.
“Suportahan ninyo kami dahil ang pagsusumikap na ito ay para sa inyo, para sa inyong mga anak, para sa inyong mga apo, at para sa ikauunlad ng ating lungsod at ng buong Pilipinas.”
“Suportahan natin ang mga senador na kasama ng mahal nating si Sara Duterte—bakit? Dahil sila ay galing Mindanao. Kapwa natin taga-Mindanao. Kung makakatulong sila sa atin, bakit hindi natin sila susuportahan? Suportahan natin ang mga tunay na makakatulong sa ating rehiyon,” pahayag ng alkalde ng bayan ng Valencia, Bukidnon.
Ang pinakatampok na mensahe ay mula sa kinatawan ni Pastor Quiboloy, na mariing iginiit kung bakit kailangan ng bansa ng isang lider na may matatag na pananampalataya, prinsipyo, at tapang para kalabanin ang malalim na ugat ng katiwalian sa gobyerno.
“Alam ko na ang mga taga-Valencia ay likas na matiisin. Totoo ’yan—matataas ang pasensya ng taga-Valencia. Pero gaano man kataas ang ating pasensya, may hangganan pa rin, lalo na kung paulit-ulit na inaabuso ng kasalukuyang administrasyon. Kaya narito tayo ngayong gabi—hindi tayo bayad, hindi tayo hinakot, walang ayuda. Narito tayo para isigaw at iparinig ang ating tinig,” saad ni Carlo Catiil, Kinatawan ni Pastor Apollo C. Quiboloy.
Binigyang-diin ng kinatawan ni Pastor Quiboloy, kailangan ng bayan ng lider na hindi lang marunong, kundi may paninindigan laban sa kasamaan at korapsyon. Panahon na para ang pamahalaan ay pamunuan ng mga taong may dalisay na puso para sa bayan.
“Papayag na lang ba tayo na ganito ang kahihinatnan ng kinabukasan ng ating bansang Pilipinas? Kaya sa darating na halalan, dito tayo makakaganti. Hindi tayo dapat magkamali, mga kaibigan. Ngayon, bakit nga ba tatakbo si Pastor Apollo C. Quiboloy? Bakit kailangan pa niyang tumakbo? Kung kilala ninyo si Pastor Quiboloy—kapitbahay lang naman tayo, taga-Davao City lang kami. Hindi niya kailangan ng pera, hindi niya kailangan ng kasikatan—nasa kanya na ang lahat ng ‘yan. Tumakbo siya dahil gusto niyang tumulong sa bansang Pilipinas na ngayo’y lugmok na. Kung walang tatayo at walang magsasalita, saan pupulutin ang kinabukasan ng ating mga anak?” giit ni Catiil.
Marami sa mga dumalo ay nagmula pa sa mga kalapit na bayan at nayon, dala ang sariling gastos at panata na makiisa. Binigyang-linaw nila na hindi sila dumalo para lang sa kandidato, kundi para sa kinabukasan ng bayan.
Sa pagtatapos ng programa, ito ay naging hudyat ng paninindigan ng kilusan: ang tunay na pagbabago ay nagsisimula sa Diyos, sa sarili, at sa bayan. Sa pagkakaisa ng Hakbang ng Maisug, PDP-Laban, at ng libu-libong mamamayan ng Valencia, Bukidnon—malinaw ang mensahe: ang Pilipinas ay handa na muling tumindig, sa pamumuno ng mga lider na tapat, matuwid, at maka-Diyos.