VAT Exemption sa COVID-19, posible oras na maisabatas ang CREATE Bill

ABALA ngayong araw ang dalawang kapulungan ng kongreso para sa bicam ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises o CREATE Bill.

Sa larawang ipinadala ni House Committee on Ways and Means Chairman Joey Salceda, online ang set-up ng bicam.

Aniya, nagkasundo na raw ang dalawang kapulungan na ratipikahan ang panukala sa loob ng 24 oras.

Pero ano nga ba ang aasahan ng mga Pilipino kapag naisabatas ang CREATE Bill?

Ngayong may pandemya, abala ang gobyerno sa pagbili ng bakuna kontra COVID-19.

Pero oras na maisabatas ang create, Valued Added Tax (VAT) exempted na ang importasyon ng mga bakuna.

Bukod sa VAT exemption, duty free na rin ang mga ito.

Nauna nang sinabi ni Salceda na makatutulong sa mabilis na acquisition ng mga bakuna kung hindi na ito bubuwisan.

“Vaccine rollout is the most important economic stimulus measure. We are happy to report that CREATE/CITIRA will also help get it done,” ayon kay Salceda.

Bukod sa COVID-19 vaccine, ang ekonomiya ang pinakamatutulungan ng CREATE.

Sa ilalim nito, bababa ang Corporate Income Tax o CIT sa 25% mula sa 30% ng mga malalaking korporasyon na siyang pinakamataas sa ASEAN.

Bababa naman sa 20% ang CIT para sa small and medium corporations.

Bababa din ang buwis na binabayaran ng mga manufacturing corporations mula 2% pababa ng 1%.

Makikinabang din sa CREATE ang mga non-profit hospitals and educational institutions.

Bibigyan rin ng maraming incentives ang mga negosyo na lilipat palabas ng Metro Manila.

Pati na ang mga negosyo lilipat sa disaster at conflict areas.

Bukod sa bakuna, may VAT exemption narin sa mga gamot at mga Personal Protective Equipment.

Bibilis narin ang VAT refund, tax exemption sa petroleum refiners at Tax exemption sa Pag-Ibig Fund.

Giit rin nito na ang CREATE ang pinakamalaking economic reform sa bansa pagkatapos ng EDSA revolution.

Dahil sa CREATE, mabubuksan ang Pilipinas sa mas maraming foreign investor.

“This will be the greatest economic reform of the post-EDSA years, second only to economic amendments to the Constitution. Removing the uncertainty will be like opening the floodgates to investment,” ayon kay Salceda.

Ayon kay Salceda, asahan na raw ang nasa P12- Trillion na pinaghalong domestic at foreign investment ngayong dekada dahil sa CREATE.

“I expect at least P12 trillion pesos in combined domestic and foreign investment over the next decade due to CREATE alone. USD 90 billion of that will be FDI,” dagdag ni Salceda.

Hanggang 2025 ang VAT exemption ng COVID-19 vaccine kung saan makikinabang dito ang mga private companies na kukuha ng bakuna.

SMNI NEWS