Vat Refund Program para sa dayuhang turista, inaprubahan ni PBBM

Vat Refund Program para sa dayuhang turista, inaprubahan ni PBBM

INAPRUBAHAN na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang implementasyon ng value-added tax (VAT) refund program para sa mga banyagang turista sa 2024.

Ito ay bilang pagtugon sa “quick wins” recommendations ng Private Sector Advisory Council (PSAC) tourism sector group.

Ito ay pagsusumikap na rin ng pamahalaan na mapalakas ang tourist arrivals sa bansa.

Maliban pa sa (VAT) Refund Program para sa foreign tourists, ang iba pang PSAC quick wins recommendations na inaprubahan ni Pangulong Marcos ay ang rollout ng e-visa ngayong 2023 kung saan prayoridad nito ang China at India.

Bukod dito, kasama rin sa nauna nang naaprubahan na rekomendasyon ang pag-alis ng One Health Pass (OHP) o ang requirement na isang form na lamang para sa Health, Immigration at Customs.

Kabilang din ang revocation ng outdated advisories at loud-speaker announcements sa mga paliparan sa bansa.

Ang automatic inclusion ng travel tax sa lahat ng airline tickets ay kasama rin sa quick wins recommendations ng PSAC.

Samantala, inihayag ng Palace officials, na nakatakdang mag-isyu si Pangulong Marcos ng isang executive order upang i-implementa ang tax refund program, na ginagawa rin sa ibang bansa.

Ang quick wins proposals na iprinesenta ng PSAC kay Pangulong Marcos sa ginanap na pulong sa Malakanyang ay naglalayong pasiglahin pa ang industriya ng turismo sa bansa.

Kabilang dito ang pagpapaganda ng mga imprastraktura at operasyon sa mga paliparan, pag-manage ng national brand at image, pati ang pag-promote ng tourism investments, at iba pa.

Inilahad din ng mga opisyal ng PSAC sa Punong-Ehekutibo na tinatrabaho nila ngayon ang isang mobile app na tinatawag na e-travel, na pinagsasama ang lahat ng impormasyon sa Immigration, Customs, health, at quarantine.

Ang PSAC ay binubuo ng business leaders at mga eksperto sa industriya na nagbibigay ng technical advice sa Pangulo sa pagkamit ng economic objectives  ng gobyerno sa 6 na pangunahing sektor gaya ng agrikultura, digital na imprastraktura, pangangalaga sa kalusugan, imprastraktura, paglikha ng mga trabaho, at turismo.

Samantala, ang Pilipinas ay nakapagtala ng 2.65-M visitors mula Pebrero hanggang Disyembre noong 2022 kung saan 2.02 million ang foreign tourists at 628,445 Filipinos overseas.

Follow SMNI NEWS in Twitter