NAGBIGAY ng extension ang Bureau of Internal Revenue (BIR) sa online tax registration ng non-resident digital service providers, pero dapat pa ring sumunod sa Value Added Tax (VAT) filing kahit hindi pa rehistrado.
Sa ilalim ng Revenue Memorandom Circular No. 58 dash 2025, itinakda ang bagong deadline sa unang araw ng Hulyo ngayong taon. Ito ay bunsod ng pagkaantala sa operasyon ng VAT on Digital Services Portal at Online Registration and Update System ng BIR.
Apektado ng ekstensyon ang mga dayuhang digital provider tulad ng streaming platforms, e-commerce, at online subscription services.
Inaatasan silang magparehistro sa BIR at i-update ang kanilang record bilang VAT-registered non-resident digital service providers.
Paalala ng ahensya—obligado pa rin silang mag-file at magbayad ng VAT, kahit hindi pa tapos ang registration.
Samantala, ang mga Pilipinong bumibili ng digital services mula sa hindi pa rehistradong dayuhang provider, ay dapat ding mag-remit ng VAT ayon sa umiiral na patakaran.
Ang panibagong palugit ay bahagi ng implementasyon ng batas na naglalayong patawan ng buwis ang digital economy, at tiyaking patas ang singilan—lokal man o dayuhan ang provider.