KINUMPIRMA ni PNP Public Information Office Chief Police Brigadier General Jean Fajardo sa pulong balitaan sa Kampo Krame na nagpalit lang ng business name o pangalan ang Vertex Technology na target ng search warrant ng mga operatiba ng PNP Anti-Cybercrime Group at National Capital Region Police Office (NCRPO) sa ika-23 palapag ng Century Peak Tower sa Maynila nitong nakaraang linggo.
Ito’y matapos sabihin at magreklamo ang may-ari ng Century Peak Holdings na matagal nang hindi omuukopa ang Vertex Technology sa kanilang gusali.
Ngunit ayon sa PNP, pinalitan lang ng pangalan ang kompanya na Quantom Solutions ngunit pareho pa rin ang mga serbisyo nito na isinasangkot sa pang-i-scam kabilang na ang love at cryptocurrency scam at iba pang illegal online activities.
“From Vertex Technology ay it appears based sa investigation ay nagpalit lang ito ng Quantum Technology and in fact I was informed earlier na during the operation ay may mga nakuha pa sila na mga resibo, mga dokumento that would prove na Vertex pa rin itong kompanya na naging subject ng kanilang SW. May mga nakuha silang dokumento during that time ng implementation ng SW,” pahayag ni PBGen. Jean Fajardo, Spokesperson, PNP PIO.
Bukod pa sa paglabag sa Anti-Cybercrime Act, pakakasuhan rin ang Vertex Technology ng paglabag sa securities regulation code dahil sa pagpapalit ng pangalan ng kompanya na taliwas sa kanilang rehistro.
Habang matagal na rin palang paso ang lisensiya nito ngunit nag-aalok pa rin ng serbisyo sa publiko partikular na ang pang-eenganyo sa pamumuhunan online na ilegal ayon sa PNP.
“Meron pong I understand ‘yung sa Vertex that nag expire or napaso na ‘yung lisensya na ‘yan. However, ‘yung kanilang business is not related and in fact may violation sila sa Securities Regulation Code particularly they are allegedly engaged in scams particular ‘yung love scam and cryptocurrency scam which is in violation ‘yung binigay sa kanilang rehistro at hindi ‘yun ‘yung kanilang primary business kaya ‘yun ‘yun naging ground kung bakit nag apply at nag serve ng SW ang ACG in coordination with NCRPO,” dagdag ni Fajardo.
“Definitely ‘yung business nila ay hindi dapat sila nag eengage sa cryptocurrency at ‘yun ‘yung lumalabas doon sa investigation and in fact kaya ongoing pa ‘yung processing, they are trying to secure dahil ‘yung cyber warrant nila is to search, seize and examine itong mga laman ng mga computers nila. Definitely ang sabi doon sa mga papeles ay hindi sila authorized mag engage in any cryptocurrency investment. So ‘yun ‘yung nucleus ng violation that led to the implementation ng SW,” aniya.
PNP ACG at NCRPO, nanindigang legal ang kanilang operasyon sa isang opisina ng Century Peak Tower vs scam issue
Sa kabilang banda, buo ang loob ng PNP na wala silang nilabag sa ginawang operasyon laban sa Vertex Technology kung saan 69 na foreign nationals ang nakita sa operasyon.
Kaugnay sa kasong isinampa ng Century Peak Holdings, walang nakikitang masama ang PNP sa hakbang ng may-ari ng gusali kasabay ng paninindigan na legal ang kanilang operasyon at nasa immediate kontrol na ito ngayon ng mga awtoridad.
“Well karapatan naman nila ‘yan na magsampa ng kaso but as far as the PNP ACG is concerned ngayon ay ongoing ‘yung meeting at ‘yun pong 23rd floor ng nasabing building ay still under the immediate control ng ating operating unit dahil ongoing pa ‘yung processing. “They are still treating the 23rd floor nung Century Tower as crime scene. So ongoing pa ‘yung processing diyan,” ani Fajardo.
Samantala, may buwelta rin ang PNP sa pamunuan ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) nang sabihin nitong may mali sa operasyon ng PNP ACG at NCRPO at hindi kinonsulta ang ahensiya dahil wala naman anilang kinalaman sa trafficking ang kaso.
“Well with due respect sa PAOCC sinabi na nga natin siguro hindi maganda sa mga ahensya ng gobyerno particularly those involved in law enforcement agencies na kuwestyunin ang bawat operation ng iba-ibang ahensya because in the past naman ay we have a good working relationship with PAOCC and we already explained it earlier na itong operation na ito does not require the presence the PAOCC again with due respect to them and of course IACAT because this is not a TIP case,” aniya pa.
Sa huli, muling nanindigan ang PNP na wala silang sasantuhing personalidad o grupo man na nasa likod ng mga ilegal na gawain matapos na mapag-alaman na isa sa pinakamaimpluwensiyang tao sa gobyerno ang may-ari ng gusali.
Oras na matapos na anila ang imbestigasyon, asahan na papanagutin ang sinumang may kinalaman sa ilegal na operasyon ng POGO hub na ito.
“Let us not preempt the investigation to be conducted by the ACG. Remember like I said earlier not only the personalities named in the SW that will be charged for violation of securities regulation code and even anti-gambling law because if the forensic evidence would support the filing of these 2 cases. So maliban doon sa mga personalities including like I said itong mga pinakawalan temporarily kung mapapatunayan sila mismo ang ginagamit to operate this alleged illegal scam hub then they will be included doon sa sasampahan ng kaso at kung mapapatunayan at meron tayong sapat na ebidensya na magpapatunay na ‘yung mismong manager and occupants and even owner nitong building na ito then it will be included in the charges to be filed by the ACG,” dagdag nito.
PNP, may mahigit 100 POGO hub sa bansa na hahabulin ngayong 2024—PNP PIO
Sa kabuuan, mayroon na lamang mahigit 100 POGO hub sa bansa ang hinahabol ngayon ng mga awtoridad at intensiyon naman anila ng PNP na tapusin ang problema ng POGO bago matapos ang deadline na ibinigay ng presidente ngayong 2024.
“Ang PAGCOR ang may hawak nitong listahan na ito. Kung hindi po ako nagkakamali mga more than 100 pa itong ating hinahabol na POGO at iyon ang intensiyon ng PNP na tapusin ‘yung problema sa POGO bago matapos ‘yung taning na ibinigay ng ating Presidente,” aniya.