HINDI man personal na magkakilala sina Gamu, Isabela Vice Mayor Mitzie Cumigad at senatorial candidate Pastor Apollo C. Quiboloy, pero hindi ito naging hadlang upang ibigay ang kanyang solidong suporta sa pagtakbo ng Butihing Pastor sa Senado.
Napakaganda aniya kasi ng mga nagawa ni Pastor Quiboloy para sa bansa at sa mga nasasakupan nito sa Kingdom of Jesus Christ (KOJC).
“Isa na lang siguro sa nakita ko ay ang ginawa niyang pagbabago doon sa Davao. ‘Yung sa KOJC, hindi naman siya pagkakatiwalaan ng tao kung wala siyang naipakitang maganda. Nakita ko kung gaano kaganda ‘yung naipakita niya,” pahayag ni Vice Mayor Mitzie Cumigad, Gamu, Isabela.
Sa katunayan, bagamat magkaiba sila ng paniniwala ni Pastor Quiboloy, nabago ito dahil na rin sa testimonya ng maraming tao kung paano sila binago ng pangangaral at pamumuno ng Butihing Pastor.
Higit sa lahat, nakumbinsi rin si Cumigad sa pagkatao ng KOJC founder dahil sa pagiging malapit na kaibigan nito ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, na kilalang istrikto. Aniya, hindi naman tatagal ang pagkakaibigan ng dalawa kung hindi mabuting tao si Pastor Quiboloy.
“Nakita ko si Banat By, ‘yung speech niya sa Hong Kong. Noong una, akala niya kulto… at isa pa nakita ko si PRRD… kung hindi mabuting tao si Pastor Quiboloy,” dagdag ni Cumigad.
Pagiging maunlad ng KOJC, nais gayahin sa bayan ng Gamu, Isabela
Sa kabilang banda, sa muling pagpasok sa politika ni Cumigad, isa rin sa mga bitbit niyang programa ang maayos na pamamahala o good governance.
Kung mamarapatin aniya, ang zero corruption template ni Pastor Quiboloy ang gusto niyang gayahin sa kanilang bayan upang maging maunlad rin sila kagaya ng KOJC.
“Pinupush natin ang good governance, zero drugs, criminality.”
“Napakaganda na walang korapsiyon. Kitang-kita ang progreso ng KOJC… sana maging ganoon din ang aming bayan,” giit nito.
Huwag magpaalipin sa pera at ayuda—Vice Mayor Cumigad
Samantala, aminado si Cumigad na hindi madali ang pagpasok sa politika dahil sa isyu ng kapangyarihan at impluwensiya. Kaya naman patuloy ang paalala nito sa kaniyang mga kababayan na huwag magpaalipin sa sulsol ng mga politiko sa pamamagitan ng vote-buying at vote-selling.
May mga reklamo kasi siyang natatanggap kaugnay sa umano’y isyu ng partisan politics, kung saan ang mga kaalyado lamang ang nakatatanggap ng pabor habang ang mga hindi kakilala ay matagal bago makatanggap ng tulong.
Gayunpaman, kinukumpirma pa nito ang mga impormasyon upang makaiwas sa anumang komosyon o alitan.
“Real talk naman ‘to. Magwagi ang kagustuhan kung sino ang gusto mong iboto,” aniya pa.
Naniniwala rin ang opisyal na ginagawa naman ng Gamu LGU ang kanilang trabaho. Binigyang-diin din ni Cumigad na hindi niya gagamitin ang posisyon upang bumili ng boto gamit ang mga ayuda o pondo ng gobyerno.
At tulad ni Pastor Quiboloy, hangad rin ni Cumigad na magkaroon ng mga matitinong lider ang bansa na hindi pasasakop o magpapaimpluwensiya sa ‘di tuwid na pamamahala, lalo na sa usapin ng pera.