I don’t trust anyone right now even if PSC acts on what I said no I will not accept it anymore that is what I did in PNP hindi na— VP Sara Duterte.
Maliban sa pagbabantay sa teritoryo ng bansa kabilang din sa mandato ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas na protektahan ang pangulo at pangalawang pangulo ng bansa.
Ang unit na ito ng AFP ay tinatawag na Presidential Security Command (PSC) o kilala sa tawag noon na Presidential Security Group (PSG).
Ang mga miyembro ng nasabing unit ay bihasa at sinanay sa pagbibigay ng seguridad sa mga mahahalagang tao gaya ng presidente at bise presidente.
Malaking papel ang ginagampanan ng PSC lalo pa’t nakasalalay sa mga taong kanilang binabantayan ang takbo at kinabukasan ng Pilipinas.
Ngunit papaano kung ang taong iyong dapat protektahan ay walang tiwala sayo?
Matatandaan na nagbigay ng pahayag noon si Vice President Sara Duterte na wala na siyang tiwala sa security details na ibinibigay sa kaniya.
Katunayan nauna na aniya nitong tinanggihan ang security details na binigay sa kaniya ng Philippine National Police (PNP).
“I don’t trust anyone right now even if PSC acts on what I said no I will not accept it anymore that is what I did in PNP hindi na,” pahayag ni Vice President Sara Duterte.
Binigyang-diin pa ni VP Sara na kahit ipilit sa kaniya ay hindi na niya talaga ito tatanggapin dahil hindi niya alam kung non-partisan pa ba ang ilalagay na mga tao na magbabantay sa kaniya.
“Hindi ko rin tatanggapin at this point kung magdadagdag sila ng mga tao dito kasi hindi na natin alam kung non-partisan ba ‘yong idadagdag nila,” dagdag ni VP Duterte.
At baka maging daan lang aniya ito upang magdagdag ng tao na magtatrabaho para sa kaniyang mga kalaban.
“Kasi hindi na natin alam eh, baka gagawin pa nila ‘yang rason na maglagay nang maglagay ng mga tao na diyan na nagtatrabaho sa kanila,” ani VP Sara.
Matatandaan na inihayag din ng pangalawang pangulo ang kaniyang pagkadismaya sa kasalukuyang administrasyon dahil sa pagsasawalang bahala sa banta sa kaniyang buhay matapos na binawasan ang kaniyang security details.
AFP mananatiling propesyonal sa kanilang tungkulin na protektahan ang Vice President
Kaugnay nito, nananatili naman umanong na tapat ang AFP sa kanilang mga tungkulin.
Sa isang pulong balitaan sa Camp Aguinaldo sinabi ni Col Xerxes Trinidad Chief Public Affairs Office ng AFP na kanilang poprotektahan ang pangulo at ang pangalawang pangulo ng bansa.
“Just to clarify we would like to emphasize that it is the duty and mandate of the armed forces of the Philippines to protect and provide protection to our president primarily and that of our vice president and let it be clear and we will not abandon those mandate and task given,” pahayag ni Col. Xerxes Trinidad, Chief, Public Affairs Office, AFP.
Tungkol naman sa tanong kung ano ang kanilang gagawin sakaling hindi tanggapin ni VP Sara ang security details—ito ang sagot ng AFP.
“That would be a hypothetical situation we would not wish to answer that as of this moment,” ani Trinidad.
Sinabi naman ni Col. Francel Margareth Padilla, tagapagsalita ng AFP na mananatili silang propesyonal sa pagtupad sa kanilang tungkuling protektahan ang mga matataas na lider ng Pilipinas.
“There will be no difference ang ide-detail naman sa VPSPG are highly professional and trained for VIP security din if not we trained them for that lahat po ng myembro ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas are professional and united and we have one stand so pare-pareho po kami kung sinuman ang madetail dyan we will perform our mandate accordingly,” wika ni Col. Francel Margareth Padilla, Spokesperson, AFP.
Sa ngayon aniya wala pa silang tinatanggal o pinalitan sa kasalukuyang security details ng Vice Presidential Security and Protection Group (VPSPG) dahil patuloy pa ang ginagawang proseso nito.
“Were looking at those who are involve and how many will be the numbers so as of this time ‘yong papers is on process,” dagdag ni Padilla.