Video games, billiards atbp. mahigpit na ipagbabawal sa mga bisinidad ng mga eskwelahan sa bansa – PNP

Video games, billiards atbp. mahigpit na ipagbabawal sa mga bisinidad ng mga eskwelahan sa bansa – PNP

ISA rin sa tututukan ng Philippine National Police (PNP) sa nakatakdang pagbabalik-eskwela ay pagbabawal sa mga video games na malapit sa mga eskwelahan ilang araw bago ang nakatakdang face-to-face classes ng mga mag-aaral sa buong bansa.

Dahil dito, mahigpit na pinaaalalahanan ngayon ng mga awtoridad ang mga establisimyento na malapit sa mga eskwelahan na iwasan ang pag-aalok ng mga laro na makasisira sa konsentrasyon ng mga mag-aaral.

Kabilang din sa mahigpit na babantayan ngayon ng pulisya ang billiards, mga inuman, at iba pang kahalintulad na serbisyo na makakadistorbo sa pag-aaral ng mga estudyante.

Kasabay sa nakatakdang deployment ng mga kapulisan ang police patrols na iikot sa lahat ng mga establisimyento na malapit sa mga eskwelahan upang tiyaking walang makasisira sa pag-aaral ng mga estudyante.

“Concerned police stations are also directed to coordinate with concerned LGUs regarding the strict implementation of zoning ordinance within the school zones that prohibit the operation of video game shops, billiards establishments, and other distractive games and recreations within the immediate vicinity of schools, particularly in the U-Belt area of Manila,” pahayag ni PGen. Rodolfo Azurin, Jr., PNP Chief.

Agad na inatasan ng PNP ang mga police commander sa buong bansa para sa istriktong implementasyon sa mga nabanggit na ipinagbabawal na serbisyo sa school vicinities hindi lang sa Metro Manila kundi maging sa buong bansa.

Sa kabilang banda, agad ding inilunsad ng PNP ang “Ligtas Balik-Eskwela SY 2022-2023” para sa mas ligtas na pagbubukas ng klase ng mga mag-aaral at mga guro ngayong Agosto 22.

Layon nitong limitahan ang iba’t ibang insidente ng krimen na maaaring kasangkutan ng mga indibidwal at maging banta sa buhay ng mga guro at estudyante.

“Ligtas Balik-Eskwela SY 2022-2023” shall serve as main reference to all police officers as the PNP intensifies law enforcement activities at learning institutions, transportation hubs and places of convergence to prevent and suppress the occurrence of crime incidents like physical injuries, pickpocket, snatching, and other forms of robbery and theft wherein students, teachers, and parents/guardians are vulnerable,” ayon kay Azurin.

Dahil naman sa nariyan pa rin ang banta ng COVID-19, pangungunahan din ng PNP ang pagpapakalat ng mobile at foot police patrols sa mga eskwelahan kaugnay sa mahigpit na pagpatutupad ng minimum public health standard upang maiwasang magkahawaan ng sakit mula sa nasabing virus.

“Influx of individuals during in-person classes is also expected, thus, PNP COVID-19 patrollers will also be deployed to ensure that the Minimum Public Health Standards (MPHS) such as observing physical distance, proper and frequent hand washing, and wearing face masks shall remain implemented, especially in places or regions with high-risk classifications,” ani Azurin.

Sa huli, sa kabila ng mababang bilang ng kanilang hanay, tiniyak pa rin ng PNP ang kaligtasan ng publiko lalo na ng mga estudyante na maprotektahan mula sa mga aksidente at insidente ng kriminalidad, paggamit, pagbebenta at distribusyon ng mga ipinagbabawal na gamot habang nasa poder ang mga ito ng kanilang paaralan.

Sa katunayan, nais patunayan ng PNP ang lakas ng bago nilang programa na MKK=K Program ngayong pagbubukas ng pasukan ng mga bata para mapanatili ang kaayusan ng mga paaralan hanggang sa matapos ang school year.

“Makakaasa rin ang ating mga kababayan na sa pamamagitan ng programang “MKK=K” (Malasakit, Kaayusan, Kapayapaan tungo sa Kaunlaran) sa tulong ng KASIMBAYANAN, na aking inilunsad, patuloy ang pagseserbisyo ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas hindi lamang bilang mga tagabantay at tagapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa komunidad kundi bilang isang organisasyon na tumutulong sa ating mga kababayan at vulnerable sectors ng ating komunidad kasama na ang mga minamahal nating kabataan, sa anumang oras at panahon,” saad ni Azurin.

Nagbabala ang PNP sa mga establisimyento partikular na sa Metro Manila na huwag nang tangkain ang pag-aalok ng mga ipinagbabawal na serbisyo upang hindi na madamay pa ang kanilang hanapbuhay habang hindi naman inanunsiyo ng pulisya ang kanilang nakatakdang inspeksyon sa mga ito sa lalong madaling panahon.

Follow SMNI News on Twitter