Vietnamese at hindi Chinese ang problema sa Scarborough Shoal—mangingisda

Vietnamese at hindi Chinese ang problema sa Scarborough Shoal—mangingisda

SINABI ng isang lider ng asosasyon ng mga mangingisda na mga Vietnamese at hindi lang mga Chinese ang problema ngayon ng mga Pilipinong mangingisda sa Scarborough Shoal.

Sa panayam ng media kay Fausto “Ka Cuto” Alpay, chairman ng Subic Commercial Association na karamihan sa mga mangingisda na nasa Scarborough Shoal ay mga Vietnamese.

Ayon kay Tatay Fausto, nung huling punta nila sa Scarborough Shoal ay nasa 50 mangingisdang Vietnamese ang kanilang namataan doon.

“Ang kalaban po dyan ngayon ‘yung mga Vietnamese na nagsisipag-ilaw, ‘yan po ang marami diyan ngayon kaya po nung minsan na lumaot ang bangka ko doon, kakaunti ang huli. Dito sila nakahuli sa malapit dahil nasa 50 Vietnamese ang nandun sa palibot na Scarborough,” ayon kay Fausto “Ka-Cuto” Alpay, Mangingisda, Chairman, Subic Commercial Association.

Ang problema, kinukuha umano ng mga Vietnamese ang kanilang nahuhuling isda.

“Ang ano po ng mga Vietnamese, lahat ng mga nakikita nilang mga payao, siempre po mga high tech ‘yung kanilang mga gamit alam nila kung anong payao na may maraming laman,” dagdag ni Ka Cuto.

“(Sir pano nyo po nasabi mga Vietnamese ‘yung sinasabi nyong nagpapailaw, pano n’yo nasabi?) Wala naman silang maam na bangka ng kagaya ng bangka ng kagaya sa amin na may kinatigan, lahat sila mga lantsa tska makikita naman po sa banner sa flag,” ani Ka Cuto.

Ngunit aminado si Ka Cuto na noong nakaraang taon, mga Chinese ang pumutol ng kanilang payao.

“Nito pong mga buwan po ‘yun ng October o November, may inaward sa asosasyon na isang payao. Sa kagustuhan ko po na matulungan ‘yung mga myembro ko na hook inline nag request sila sa akin na doon ko ihulog sa Scarborough, hindi naman po namin naaanihan naputol pinutol na nga po,” wika pa ni Ka Cuto.

Pilipinas at China, dapat magkaroon ng common ground para hindi magka-giyera —Sen. Villar

Samantala para maprotektahan ang mga mangingisda ay may payo si Sen. Cynthia Villar sa mga awtoridad.

“Ever since matagal na akong chairman ng Senate Committee on Agriculture and Food, alam ko na ang nagbabantay sa mga mangingisda ay BFAR, kasi ang BFAR hindi militarize di ba,” payo ni Sen. Cynthia Villar.

Dagdag pa ng senador, kabilang naman talaga sa mandato ng BFAR na bantayan at pangalagaan ang mga mangingisda.

“Natural naman sa BFAR na alagaan nila ‘yung mga fishermen. Alam nila na may danger sa West Philippine Sea eh, kung magkaproblema sila, andun sila para tumulong,” diin ni Sen. Villar.

Kasunod nito, hiling ng senadora sa kasalukuyang administrasyon na huwag na palakihin ang tensiyon sa China.

Aniya para malutas ang problema, mas mainam na pag-usapan at magkaroon ng common ground ang Pilipinas at China para hindi madamay ang mga mahihirap na mangingisda.

“Hindi dapat palakihin ‘yung problema kasi gusto ba natin makipag-away sa China? We’re not in a position to fight with China.”

“They have to find a common ground diyan kasi ako ang concern ko ‘yung mga fishermen, kasi mahihirap ‘yan eh, ‘yan lang ang hanapbuhay nila, ‘pag nag-away sila affected ‘yan, kawawa ‘yan, di ba” ayon pa sa senadora.

Sa huli, ipinunto ng senadora na wala siyang ibang hiling sa bansa kundi ang kapayapaan.

“Ako wala namang masama na we don’t quarrel with China and we don’t quarrel with US di ba, ako I am for peace in Philippine kasi talagang mahirap kapag may nag-aaway sa isang bansa,” aniya.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble