PUMALAG ang Council for the Welfare of Children (CWC) sa magulang na lantarang pinapahiya at pinapagalitan ang mga bata sa social media na ayon sa ahensiya ay isang pang-aabuso.
Pumalo na sa higit limang milyong views ang video ng isang vlogger sa Facebook kung saan pinapagalitan niya ang dalawang bata dahil sa nakita umano nitong marka sa ilang parte ng kanilang katawan.
Umani ng samu’t saring reaksiyon ang video mula sa mga netizen at mga magulang.
May mga sumang-ayon sa paraan ng pagdidisiplina sa mga bata na nagsabing tama lang umano ito para hindi tularan ng iba pang mga kabataan. Pero ang ilan naman ay tutol sa pagsasapubliko nito.
Sana anila ay hindi na ipinost sa social media ang pagdisiplina dahil maaari anila itong magdulot ng emotional o psychological trauma sa mga bata lalo na’t viral na ito ngayon.
“Sa akin lang naman pangit kung isinapubliko nila. Kawawa ‘yung bata doon. Alam mong magiging reaksyion ng bata doon, habang buhay niya kasing dadalhin ‘yung kahihiyan ng ganiyan. Pero ‘yung pagdisiplina ng magulang pwedeng tama iyon,” ayon kay Rody dela Cruz na isang magulang.
“Hindi po dapat talaga i-post iyan kasi siyempre kahiyaan rin po iyan ng magulang eh. ‘Yun dapat na mga problema hindi na dapat i-post iyan. Kausapin mo ‘yung anak mo kung ano ang tama,” saad naman ni Angie Aquino na isa ring magulang.
“Matautrauma ‘yung bata niyan sa ganoon. Hindi na papasok iyan. Nasa bahay na lang ‘yan ganun,” dagdag pa ni Aquino.
Mariin ding kinondena ng CWC ang naturang video na sobrang nagpahiya matapos na pagsisigawan at saktan ng magulang ang mga bata.
Ayon kay CWC Executive Director Usec. Angelo Tapales, malinaw na ang ginawa ng magulang sa video ay paglabag sa karapatan ng dalawang bata na nakapaloob sa Republic Act 7610.
“Ang Council for the Welfare of Children ay talagang tumututol at lalabanan namin ‘yung ganiyang klaseng pagtrato sa mga bata. Under Republic Act 7610, pwede pong i-consider na child abuse po iyan. Kasi ang child abuse sa ating batas ay any psychological, physical abuse, neglect or even ‘yung emotional maltreatment,” ani Usec. Angelo Tapales, Executive Director, Council for the Welfare of Children.
Nilabag din umano ng magulang ang section 59 ng Presidential Decree No. 603 na nagbabawal sa malupit, hindi karaniwan, at sobrang pagpaparusa at pagpapahiya sa mga bata.
Pero depensa ng naturang magulang – magkakaiba naman daw ang paraan ng pagdidisiplina sa mga bata. Ipinaliwanag din niya sa video na nais niyang maging ‘aware’ ang iba pang mga magulang upang hindi nila hayaan ang kanilang mga anak na gumamit ng cellphone dahil kung anu-ano na lang daw ang napapanood ng mga ito na kalauna’y ginagaya rin nila.
Sa kabila nito, kumbinsido pa rin ang CWC na may nangyaring pang-aabuso.
“Kung himaymayin ano, mayroong physical, psychological, and emotional maltreatment na nangyari po diyan. Maliwanag naman po ang video. Iyan po ay baka nakaligtaan nung nanay no na in the process sa pagtuturo ng ibang magulang kunwari ay nakalimutan niya naman ‘yung kalagayan at kapakanan ng sarili niyang mga anak,” ani Tapales.
Dagdag pa ng opisyal, hindi dapat tularan ang ganitong klaseng pagdidisiplina. Puwede naman aniya kasing ‘positive parenting’ ang i-apply kung saan isa sa mga paraan para turuan ng leksiyon ang isang bata ay ang kausapin ito nang masinsinan.
Magulang na lantarang pinagalitan ang mga bata sa Social Media, may nilabag na karapatan—PNP
Inindorso na ng CWC sa Women and Children Protection Center ng Philippine National Police (WCPC-PNP) ang nasabing insidente.
“Noong nakita ko ‘yung video, ang nakikita namin dito ay mayroong nalabag na karapatan. Tama ‘yung CWC. May nalabag na karapatan ng bata. Kaya lang gusto namin malaman kung ano talaga ‘yung nangyari,” ayon kay PBGen. Portia Manalad, Director, PNP-Women and Children Protection Center.
“Yung ating WCPC doon sa Mindanao or sa Mati will visit ‘yung bata kasama ‘yung DSWD para ma-interview siya. Kung mapapatunayan na may nangyaring paglabag sa karapatan ng bata ay maaaring makulong ang magulang bilang kaparusahan,” dagdag pa ni Manalad.
Pagsali sa mga bata sa video content, hindi hinihikayat ng PNP
Ayon kay PBGen. Portia Manalad, pag-aaralan ng WCPC kasama ang iba pang ahensiya ng gobyerno ang ganitong mga insidente upang malaman kung saan nga ba ang hangganan o limitasyon para masabi na may nalalabag na ang mga magulang o mga matanda na sinasali ang mga bata sa kanilang mga video content.
Pero ayon kay Manalad hindi nila hinihikayat ang mga ganitong klaseng content.
“Yung nga ang nakakalungkot kasi nagagamit ‘yung mga bata sa content nila. At kung minsan ‘yung mga ganito parang napapahiya ‘yung bata o kaya ay nag-iiba ‘yung perception. Syempre ‘yung bata parang naba-bash din siya,” ani Manalad.
“Talagang dini-discourage namin actually. Dini-discourage namin na makasama ang mga bata sa mga ganito,” dagdag pa nito.
Hinikayat naman ni Manalad ang mga netizen na maging responsable at sensitibo sa mga kino-comment sa nasabing video lalo na’t may kasamang mga bata.
Aniya hayaan na lamang ang mga awtoridad na gumawa ng karampatang aksiyon.
Nananawagan naman ang CWC na huwag suportahan ang ganitong klaseng content at huwag mag-atubiling mag-report sa kanilang page o sa Makabata Helpline 1383.