KAKANSELAHIN na lamang ang visa ng mga illegal Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) worker na plano sanang ipa-deport ng pamahalaan.
Ito’y matapos magbago ang desisyon ng Department of Justice (DOJ).
Ayon kay DOJ Spokesperson Mico Clavano, masyadong magastos sa pamahaan kung itutuloy pa nila ang deportation plan.
Bahagi sa gastos ng deportation ay ang flight ng mga ito sa eroplano, pagkain at iba pang akomodasyon.
“Under the recommendation of Bureau of Immigration through Attorney Norman Tansingco ay ikakansela na lang ho natin ang mga visas nitong mga Chinese nationals at bibigyan natin sila ng pagkakataon para umalis dito sa ating bansa,” pahayag ni Clavano.
Sa tala ng DOJ, nasa 48, 782 ang mga illegal POGO workers sa bansa na kailangang suspendihin ang kanilang mga visa at sa loob ng 59 na araw kailangan nakaalis na sila ng bansa.
Kung hindi nila gagawin ito, saka sila maaring ipa-deport ng pamahalaan.
“And we will be giving them a non-extendable time or period of 59 days para umalis. After that kung nakita pa rin natin sila dito, nag-over stay sila, doon na natin ipapa-deport itong mga Chinese nationals,” ayon kay Clavano.
Sinabi naman ni Clavano na ang kanilang hakbang na ito ay suportado naman ng Chinese Embassy.
Pero sa ngayon aniya ay bineberipika pa kung ilan ang Chinese national doon sa mahigit 48,000 na mga POGO workers na tinanggalan ng lisensya ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Sinabi naman ni Clavano na baka ilan sa mga ito ay nakaalis na ng bansa.
“Hindi pa sigurado na lahat ng Chinese nationals na ‘yun ‘yung 48,000 plus ay nandito pa din sa bansa. Maaari ho na nakaalis na ‘yung iba. So, bene-verify pa natin ‘yung status nun through the Bureau of Immigration kung nandito pa ‘yung Chinese nationals,” ani Clavano.
Nilinaw naman ng DOJ na dahil visa cancellation lang ang kahaharapin ng mga illegal POGO worker na ito ay maaari pa silang makabalik sa Pilipinas.
“The difference between the deportation po at saka itong pag-kansel ng visa, ‘yung deportation masasama sila sa watchlist so bawal silang bumalik hangga’t hindi mali-lift ang pangalan nila doon sa watchlist. Pero kung kinansela lang po ang visa nila, pwede pa rin silang bumalik if they were hired by a company na may valid license pa,” dagdag ni Clavano.
Sakali namang magtatago ang mga ito, ayon kay Clavano, mahuhuli at mahuhuli rin sila ng mga awtoridad.
Dagdag pa ng opisyal na ang 372 na Chinese national na naunang naaresto ng PNP at NBI ay kailangan nang ipadeport ng ahensiya.