Vlogger na sangkot sa umano’y tanim t-shirt sa rally ng KOJC, posibleng makasuhan ng cyberlibel—PNP PIO

Vlogger na sangkot sa umano’y tanim t-shirt sa rally ng KOJC, posibleng makasuhan ng cyberlibel—PNP PIO

MAAARING maharap sa kasong cyberlibel ang vlogger na si Niño Barzaga matapos na magpakalat ng maling balita sa gitna ng prayer rally na inorganisa ng mga tagasuporta ni Pastor Apollo C. Quiboloy ng Kingdom of Jesus Christ sa Liwasang Bonifacio sa Maynila, araw ng Lunes Marso 4, 2024.

Sa kaniyang video, ipinalabas nito sa kaniyang malisyosong content na may ilang tao na binayaran diumano ng kampo ni Pastor Apollo para dumalo sa nasabing rally.

Bagay na pinasinungalingan ng Kingdom of Jesus Christ at SMNI.

Sa panayam ng SMNI kay PNP PIO Chief Col. Jean Fajardo, maaaring makasuhan aniya ng misrepresentation at cyberlibel si Barzaga partikular na ang pagpapakalat nito ng maling impormasyon o fake news laban kay Pastor Apollo.

“Pwede po namin siyang kasuhan ng misrepresentation at kung nagsusuot pa po siya ng uniporme na identifiable sa PNP ay panibagong kaso sa illegal use of service uniform ng PNP. At kung may sinisiraan po siya na ibang tao at ginagamit ang kanyang accounts po at kung sinuman ang nabiktima ay may karapatan po sila na magsampa ng reklamo at kasong cyberlibel po,” ayon kay Col. Jean Fajardo, Chief, PNP-PIO.

Samantala, tinawag ni NCRPO Chief Regional Director PMGen. Jose Melencio Nartates Jr. na “hao shao” ang vlogger na si Niño Barzaga.

Ito’y matapos napag-alamam na nagpapakilala umano itong official vlogger ng National Capital Region Police Office (NCRPO).

Ayon sa heneral, hindi konektado sa kanila ang taong ito.

Vlogger Niño Barzaga, tinawag na “hao shao” ng NCRPO

“‘Yan ‘yung tinatawag na hao shao, ‘di ba?” saad ni PMGen. Jose Melencio Nartates Jr., Regional Director, NCRPO.

Ipinaliwanag pa ng opisyal, lahat ng kanilang vlogger ay lehitimong pulis at may guidance sa PNP sa tamang pangangalap ng impormasyon.

“Alam mo kung sino ang mga vlogger namin? ‘Yung mga pulis ang vlogger ng PNP kasi pulis nga. Pero ‘yung vlogger na sibilyan or outside sa amin, paano mo masasabing vlogger namin? They are on their own,” ani Nartates.

NCRPO Chief, naniniwalang kakampi ang SMNI

Nilinaw rin ni General Nartates na hindi nila magagawa ang magpakalat ng fake news laban sa SMNI at kay Pastor Apollo C. Quiboloy.

Naniniwala ang NCRPO na posibleng may ibang motibo si Barzaga sa pagpapakalat ng fake news kaugnay sa ipinost nitong mga interview sa kaniyang vlog na may iilang taong binayaran ng kampo ni Pastor Apollo para dumalo sa isinagawang prayer rally sa Liwasang Bonifacio nitong lunes, March 4, 2024.

“Bakit ba kasi kayo ginaganoon? Anong motibo? Supposed to be magkakampi tayo. Sinong magpapagalaw doon? Hindi naman PNP ang magpapagalaw doon,” aniya.

Nauna nang pinasinungalingan ng Kingdom of Jesus Christ ang mga taong nakita sa video ni Barzaga na bayad ang mga ito.

Sa ngayon, aalamin pa ng PNP ang rekord ni Barzaga matapos ding napag-alaman na una na pala itong naaresto sa kasong cyberlibel.

Follow SMNI NEWS on Twitter