Volume ng sasakyan sa Katipunan, mas tumaas nitong balik-eskwela—MMDA

Volume ng sasakyan sa Katipunan, mas tumaas nitong balik-eskwela—MMDA

RAMDAM na ramdam ang pagdami ng mga sasakyan partikular na sa Katipunan Avenue lalo na tuwing rush hours.

Simula pa lang ng 6:00 ng umaga nitong Biyernes, bumper-to-bumper na ang mga sasakyan sa Katipunan Avenue sa Quezon City.

Dahil ito sa pagdami ng mga sasakyan na dumadaan sa nasabing kalsada kasabay na rin ng pagbalik-eskwela.

Sa datos ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), umaabot sa higit 9,000 sa umaga at 10,000 sa gabi ang volume ng mga sasakyan sa Katipunan Avenue kapag rush hours.

Sa southbound lane pa lang ng kalsada, 32 porsiyento na ang itinaas tuwing morning rush hour mula Mayo 2023 hanggang nitong Agosto.

24 porsiyento naman kapag rush hour ng hapon.

Ayon sa MMDA, ang mga sasakyan mula sa northbound direction na kumakaliwa papasok sa Ateneo de Manila University ay okupado ang tatlong lane ng Katipunan Avenue.

Pero ano nga ba ang solusyon ng MMDA sa napakatagal na na problema sa Katipunan Avenue?

Pinag-aaralan na ng ahensiya ang paglimita sa dalawang lane ng mga sasakyang labas-pasok sa mga paaralan sa lugar.

Planong mag-deploy ng MMDA ng karagdagang traffic enforcers sa Katipunan Avenue para matiyak na susunod sa designated lanes ang mga nasabing sasakyan.

Nakaraang linggo, nagkaroon na ng consultative meeting ang MMDA kasama ang mga opisyal ng Ateneo, Miriam College, at University of the Philippines Diliman, kung saan ipinahayag nila ang kanilang kooperasyon upang mapabuti ang daloy ng trapiko sa kani-kanilang mga lugar.

Tinitingnan ng ahensiya na i-adjust ang entrance gate ng Ateneo para sa mga sasakyang walang sticker para ma-accommodate ang mas marami pang sasakyan.

Ikinokonsidera din ng ahensiya ang pagpagamit ng service road mula Marikina na malapit sa Gate 2 ng Ateneo na kasalukuyang ginagamit lang ng mga pedestrian.

Follow SMNI NEWS on Twitter