SINUYOD at nilinis ng mga volunteer ng Sonshine Philippines Movement ang bawat sulok ng Karangalan Village sa Cainta, Rizal — mula sa tabi ng creek, hanggang sa palengke at tapat ng mga bahay.
Bahagi ito ng “Kalinisan, Tatag ng Bayan,” isang inisyatiba ni senatorial aspirant Pastor Apollo C. Quiboloy.
Ang basura na itinatapon kung saan-saan lamang ang dahilan ng pagbabara ng mga drainage sa ilang lugar sa Cainta, Rizal.
Imbes na makadaloy nang maayos ang tubig-ulan, inaanod at nababarahan ang mga drainage ng kalat mula sa publiko tulad ng plastic bags, plastic cups, at mga pinaglagyan ng pagkain.
Sa Karangalan Village, Brgy. San Isidro, Cainta, Rizal, isa ang kawalan ng disiplina sa pagtatapon ng basura sa mga pangunahing problemang kinakaharap ng barangay.
‘’Malaking problema po iyon. Malaking epekto ng pagtaas ng baha yung walang disiplina na mga tao,’’ ayon kay Darwin Aquino Kagawad, Brgy. San Isidro, Cainta, Rizal.
‘’Kahit saan na lang sa creek, nagtatapon ng basura. Yung daluyang ng tubig natin ay nababarahan. Kaya malala po ang baha dito,’’ saad nito.
Sa paglipas ng mga panahon, naging mahigpit ang lokal na pamahalaan ng Cainta sa waste disposal at segregation, na unti-unting nakatulong upang mapanatili ang kaayusan at kalinisan sa bayan.
Bilang pakikiisa sa lokal na pamahalaan ng Cainta, isa ang Karangalan Village sa mga lugar sa Pilipinas na tulong-tulong na nilinis ng daan-daang volunteer ng Sonshine Philippines Movement bilang bahagi ng nagpapatuloy na “Kalinisan, Tatag ng Bayan.”
Ang programa ay inisyatiba mismo ng senatorial aspirant at kilalang spiritual leader ng The Kingdom of Jesus Christ, na si Pastor Apollo C. Quiboloy.
Ito ay bahagi ng kanyang adbokasiya upang himukin ang bawat Pilipino na maging responsable sa pagpapanatili ng kalinisan at kaayusan sa kanilang komunidad.
Binigyang-diin ni Pastor Apollo ang mahalagang papel ng kalinisan, hindi lamang sa kapaligiran kundi pati na rin sa pagpapabuti ng kalusugan, seguridad, at kaayusan ng bawat komunidad.
‘’Malaki talagang naitulong ng ganitong mga pagkikinis kasi syempre pagka malinis ang lugar ang kriminalidad magleless kasi malinis eh at hindi tatambayan ng masamang element,’’ ayon kay Noel Viray Vice President, Karangalan Village Homeowners Phase 1 – A.
‘’Ngayon nakita pagkatapos ng pagiikot namin ay malinis ng yung dinaanan. Maganda na. Kaya Pastor Quiboloy maraming maraming salamat sa iyo. Nagpapasalamat kami sa lahat sa inyo pati na sa mga coordinators, sa lahat ng mga binubuo na ipinadala dito. Maraming maraming salamat,’’ ani Viray.
‘’Nagpapasalamat kami kay Pastor Quiboloy dahil kami po ay isa sa mga lugar na napili, ang San Isidro, dito sa Cainta. Nagpadala ng mga volunteer para maglinis ng kalugaran dito sa Cainta,’’ dagdag ni Darwin Aquino Kagawad, Brgy. San Isidro, Cainta, Rizal.
Tiniyak ng Sonshine Philippines Movement na hindi dito magtatapos ang adbokasiya ni Pastor Apollo, na halos magdadalawang dekada na mula ng simulan niya ang nasabing adhikain na mapanatili ang kaayusan at katatagan ng kalikasan.
‘’Mayroon tayong mga schedules for 2025 para po sa pagtatanim ng mga puno, kalikasan gayundin ang paglilinis sa ating mga lugar. Marami pong nakaschedule. Salamat din maraming gustong mga kababayan natin na makipagkaisa sa SPM sa initiative ng ating mahal na Pastor, Pastor Apollo C. Quiboloy,’’ ayon kay Med Sangkula Representative, Sonshine Philippine Movement – NCR.