NAKARATING sa Commission on Elections (COMELEC) ang report na may nangyaring bilihan ng boto sa isang pagtitipon sa Hong Kong na dinaluhan ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte at ng mga pambato nito para sa 2025 midterm elections.
Nasa 200 Hong Kong dollars umano ang ibinayad sa pumunta roon o ang bayad kapalit ng kanilang boto para sa 9 na kandidato ng dating Pangulo.
Pero ayon kay COMELEC Chairman Atty. George Garcia, hindi ito dapat agad na paniwalaan ng publiko lalo pa’t wala namang lumalantad o nagrereklamo sa poll body na nabayaran sila sa Hong Kong.
Maging ang konsulada sa Hong Kong, nagsasabi na walang ganung klaseng report na pamimili ng boto.
“Hanggang ngayon, fake news ‘yan. Misinformation, disinformation sapagkat hindi po lahat ng nakikita natin sa social media ay totoo. Wala pong lumalapit sa amin, wala man lang nagbibigay ng isang salaysay na sila ay naofferan ng ganiyan pong amount sa Hong Kong. Therefore, walang kredibilidad ang balitang iyan,” pahayag ni Atty. George Garcia, Chairperson, COMELEC,
“Maging ang ating konsulada sa Hong Kong ay walang sinasabi tungkol sa allegedly na pamimili ng boto sa Hong Kong. Again, sana huwag munang paniniwalaan ng mga kababayan natin. Fake news pa po ‘yan,” dagdag ni Garcia.
Sakali aniya na may magreklamo, hindi naman nila maaaring masampahan ng criminal case ang mga masasangkot dahil sa isyu ng hurisdiksiyon.
“Kung ang criminal act ay nangyari outside the Philippines, wala po kaming jurisdiction sapagkat ang atin pong criminal law ay jurisdictional, territorial jurisdiction ang pinag-uusapan,” aniya pa.
“Subalit kung ang nag-commit ay isang kandidato, wala man siyang criminal credibility, meron naman siyang liability sa disqualification,” paliwanag ni Garcia.
Matatandaan na ang kaganapan sa Hong Kong noong Linggo’y dinaluhan ng libu-libong Overseas Filipino Workers (OFW) bilang pasasalamat kay dating Pangulong Duterte.
Sa kaniyang talumpati roon ay kitang-kita ang pagmamahal ng mga OFW sa dating Pangulo kung saan marami pa nga sa kanila’y naiyak.
Dahil sa sobrang dami ng gustong makita nang personal ang dating Pangulo bilang pakikiisa sa libu-libong iba pang OFWs sa Hong Kong, ay tiniis nilang manatili at mag-abang sa labas ng Southorn Stadium.
Patunay ito ng ‘di matatawarang pagmamahal at pagpapasalamat ng mga Pilipino sa mga nagawa ni dating Pangulong Duterte— saanmang dako ng mundo sila naroon.
Bakas sa kanilang mga mukha na hindi sila nabayaran ng kahit na sino sa kanilang pagpunta at pagkilala sa dating Pangulo.
Follow SMNI News on Rumble