LUMAGPAS na sa 4 milyong target ang voter registration para sa halalan sa taong 2022 ayon sa Commission on Election (COMELEC).
Ayon kay COMELEC Director Teopisto Elnas Jr., nasa 4,863,455 na ang nagparehistro sa kanila na kinabibilangan ng mga first-time voters at mga botanteng muling ni-reactivate ang kanilang status.
Dahil dito, sinabi ng opisyal na ang mga rehistradong botante sa susunod na taon ay nasa 60 milyon na.
Sinabi ni Elnas na sa higit apat na milyon, nasa 1.4 na milyon dito ang rehistrado na sa Sangguniang Kabataan (SK) voters habang nasa 500,000 naman ay mga botanteng muling ni-reactivate ang kanilang status.
Magpapatuloy naman ang voter registration ng COMELEC sa Setyembre 30, 2021.
Posibleng digital vote buying sa 2022
Samantala, nagbabala ang COMELEC sa posibleng electronic vote buying sa taong 2022 general elections.
Ito ay matapos magbabala si Philippine National Police Chief Gen. Guillermo Eleazar na maaaring gamitin ng mga kandidato ang digital platforms o e-wallets sa bansa para bumili ng boto.
(BASAHIN: PNP Chief tiniyak ang mga hakbang laban sa cashless vote buying)
Ayon naman kay COMELEC Spokesperson James Jimenez, posible itong mangyari.
Matatandaang, nakatakdang pumili ng pangulo at bise pangulo, kabilang ang aabot sa 300 mambabatas at local government officials sa darating na eleksyon sa Mayo 9, 2022.
Samantala, magugunitang naglunsad na rin ng mobile app ang COMELEC para sa mas mabilis na proseso ng registration.