MATAPOS ang 3 taong pagkakaantala dulot ng COVID-19 pandemic, muling isasagawa ang ika-63 na Palarong Pambansa sa Marikina City.
Nitong Biyernes ng hapon, personal na ininspeksiyon ni Vice President at Department of Education (DepEd) Secretary Sara Duterte ang mga pasilidad sa Marikina Sports Center tulad ng Olympic-size swimming pool at ang renovated track oval.
Sinundan ang inspeksiyon ng paglagda ng isang memorandum of agreement (MOA) sa pagitan nina VP Sara at Marikina Mayor Marcy Teodoro.
Nagpasalamat si VP Sara kay Mayor Teodoro dahil sa sa pagtanggap ng Marikina na maging host ng Palarong Pambansa ngayong taon.
Ayon pa kay VP Sara, ang Palarong Pambansa ay isang malaking paalala sa mga lokal na pamahalaan na palakasin ang mga programa para sa kabataan.
Bilang ng mga delegado sa Palarong Pambansa, higit 9,100—DepEd
Higit 9,100 na delegado na kinabibilangan ng mga estudyante, coaches, trainors at magulang ang inaasahang dadalo sa Marikina sa Palarong Pambansa.
Ayon sa DepEd, mas mababa ang nasabing bilang sa karaniwang dami ng mga lumalahok sa nasabing pagtimpalak.
Health, safety at security protocol sa Palarong Pambansa, handa na—Marikina LGU
Nakahanda naman ang Marikina ayon kay Mayor Teodoro sa pagdagsa ng mga delegado sa lungsod.
Tiniyak ng alkalde na mula sa health protocols hanggang sa safety at security protocol ay nakahanda na para sa kaligtasan ng lahat ng mga dadalo sa Palarong Pambansa.
May contingency plan na rin ang Marikina sakaling sumama ang panahon sa gitna ng mga kaganapan.
Dagdag pa ni Teodoro, ang lahat ng mga pagdadausan ng mga laro ay ligtas mula sa mga baha at lindol.