MATAPOS isinapubliko ng Philippine Colegian at UP Office of the Student Regent ang liham ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na pumuputol sa 1989 UP-DND Accord, maraming mambabatas ang pumuna sa naturang hakbang ng Department of National Defense kabilang na si Vice President Leni Robredo.
Ayon kay Robredo na isang UP Alumna, malinaw na isa itong hakbang na naglalayong patahimikin ang mga kritiko ng Administrasyong Duterte.
Aniya, mahigit tatlumpung taon na itong iniimplementa at walang naging problema ang mga nagdaang presidente ng bansa.
“…five presidents since 1989 have managed to protect both the up community and the republic without breaking it,”pahayag ni Robredo.
“Clearly, then, this is not a practical gesture, but a symbolic one. One designed to sow fear. One designed to discourage dissent. One designed to silence criticism,” aniya pa.
Tinutulan rin ito ni Sen. Francis Pangilinan, na nagsilbi noon bilang chairperson ng student council at student regent ng UP, dahil aniya ang naturang kasunduan ang siyang nagpanatili sa kalayaan at demokrasya sa unibersidad.
“Tinutulan natin ang panghihimasok ng diktador noon. UP has always been and will always be a citadel of freedom and democracy,” ayon pa kay Pangilinan.
Pumalag rin ang iba pang senador at congressional representatives sa naging desisyon ng DND kabilang na sina Senate Minority Leader Franklin Drilon, Senator Risa Hontiveros, Senator Leila de Lima, Kabataan Party-List Rep. Sarah Elago at dating Senador Antonio Trillanes IV.
Hinimok ng mga mambabatas si Defense Secretary Delfin Lorenzana na pag-isipan muli ang ginawang pagbasura sa UP-DND Accord.
Kaparehong panawagan rin ang inihayag ni UP Diliman President Danilo Concepcion kay Lorenzana lalo na’t pinutol ang kasunduan ng walang konsultasyon at makaisang-panig, bagay na napag-usapan lang daw sana.
Nilagdaan ng dating pangulo ng UP na si Jose Abueva at noo’y Defense Secretary Fidel Ramos ang kasunduan noong 1989, na nagtataguyod ng mga alintuntunin sa mga operasyon ng militar at pulis sa loob ng unibersidad upang maprotektahan ang academic freedom.
Ipinagbabawal ng UP-DND Accord ang panghihimasok ng puwersa ng estado sa mga campus ng pamantasan kung walang tamang koordinasyon sa administrasyon ng pamahalaan.
Ayon naman kay Renato Reyes Jr., Secretary General ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) at isa ring dating UP student, nilagdaan ang Accord upang hindi na muling mangyari ang pwersahang pag-aresto sa isang staffer ng UP Campus Publication noon matapos itong maakusahan sa kasong pagpatay ng isang US military official.
Paliwanag ni Lorenzana, pinagwalang bisa ang UP-DND Accord dahil nagmistulang ligtas na kanlungan ng mga kaaway ng estado ang pamantasan.
“Of course, ayaw na namin. We have determined that it doesn’t serve the interest of the students,” aniya nang tanungin kung maaaring mapawalang-bisa ng ahensiya ang kasunduan sa unilateral na paraan.
Kinokonsidera din ng DND aniya na wakasan ang kaparehong kasunduan sa iba pang mga unibersidad.
Enero 15 nang opisyal na inabisuhan ni Lorenzana ang unibersidad ukol sa pagwawalang-bisa sa kasunduan sa pamamagitan ng kanyang liham kay Concepcion.
Bago pa din ito mangyari, mismong minarkahan ni Pangulong Dutere ang UP bilang “breeding ground” ng CPP-NPA at binantaang ide-defund ng gobyerno.
Ngunit nilinaw ng Defense Chief sa kanyang liham, sariling pasya niya ang naturang terminasyon at hindi dahil ipinag-utos ito ni Pangulong Duterte.