BINUWELTAHAN ng Malakanyang si Vice President Leni Robredo sa naging batikos nito sa pandemic response ng pamahalaan.
Sinagot ng Palasyo ang mga pahayag ni Robredo patungkol sa pagresponde ng gobyerno sa nararanasang pandemyang dulot ng COVID-19.
Unang inihayag ni Robredo sa isang presidential interview na maraming lapses ang pamahalaan sa pagtugon nito sa pandemic response.
Binanggit din ng bise-presidente na walang ‘sense of urgency’ ang kasalukuyang pamahalaan kung saan marami sanang mga problema ang naiwasan kung agaran lamang aniya ang pag-aksyon ng gobyerno.
Nasabi rin ni Robredo na nakahanda ang Office of the Vice President (OVP) na i-fill-in ang gaps na ito.
Kinontra naman ito ni acting Presidential Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles at iginiit na walang katotohanan ang naturang pahayag ng bise-presidente na ngayo’y tumatakbong pangulo ng bansa.
Binigyang-diin ng opisyal na sa katunayan, ‘good job’ ang naging performance ng Pilipinas pagdating sa COVID-19 response.
‘’Tingnan natin iyong sagot ng WHO, iyong kanilang pinaka-representative dito sa ating bansa, si Dr. Rabindra Abeyasinghe na sinabi niya that the Philippines has done a good job in terms of our response against COVID-19. Sinabi niya na ang bansang Pilipinas ay isang middle income country, hindi tayo iyong tinatawag na first world type of country, middle income po tayo, pero tingnan natin ang mga resulta,’’ayon kay Sec. Karlo Nograles.
Ipinagmalaki pa ni Nograles na isa ang Pilipinas sa nakapagtala ng pinakamababang fatality rate ikumpara sa iba pang bansa.
‘’Comparatively lower than many and most countries out there despite iyong limited capacities natin and despite us being a middle-income country. While other countries have completely shot their borders, tayo po ay nagpapasok ng ating mga Filipino overseas, we welcome them home,’’saad ni Nograles.
Pagdating naman sa bakunahan kontra COVID-19, umabot na sa mahigit 57 million (57,514,283) na mga indibidwal ang fully vaccinated na.
Bukod dito, inihayag ng Palace official na marami pang mga tagumpay ang bansa sa laban sa COVID-19.
Gayunpaman, patuloy ang panawagan ng Palasyo sa lahat na magtulungan, ma-pribado o pampublikong sektor man, gobyerno o non-government organizations.
Ito rin ang panahon sabi ng Malakanyang na kung saan lahat dapat naka-focus sa paglaban sa COVID-19.
Lalo’t simula’t sapol, ay hindi lamang ito nakaatang sa balikat ng pamahalaan kung hindi laban ito ng bawat Pilipino.
Kung matatandaan, inihayag na rin ng Malakanyang na wala talaga itong aasahan kay VP Robredo, bilang lider ng oposisyon, na magsasalita ng positibong bagay para sa administrasyong Duterte.
Dagdag pa ng Palasyo, na sa kabila ng mga pagpuna ng bise presidente, marami pa ring mga Pilipino ang patuloy na nagtitiwala sa abilidad ng administrasyon sa pagkontrol sa COVID-19 situation sa bansa.