HINDI na malilinlang ni Vice President Leni Robredo ang mga tao.
Ito ang sagot ni Atty. Vic Rodriguez, ang spokesperson ni Bongbong Marcos kasunod ng pag-aakusa ni Robredo sa kampo ni BBM na siya umanong nagpapakalat ng malisyosong pang-aatake laban sa kanya at ng kanyang pamilya.
Ayon kay Robredo, gawain na ng kanyang katunggali ang paninira noon pang 2016 kaya hindi na aniya nakagugulat ang naglalabasang pekeng balita.
“Hindi ako nagugulat dahil ito na talaga ‘yung kalakaran ng kalaban mula pa noong natalo siya noong 2016, talagang inulan ako ng lahat na fake news. Hindi ako nababawasan noon kasi lahat hindi totoo,” ayon kay Robredo.
“Dapat ang i-highlight na lang nila ‘yung kabutihan nila saka ‘yung kaya nilang gawin. Siguro kaya nag-reresort sa fake news kasi wala na talagang masabing maganda tungkol sa kanila,” dagdag ng bise presidente.
Naniniwala ang kampo ni Bongbong Marcos na hindi na kayang linlangin ni Robredo at ng kanyang mga dilaw na tauhan ang mamamayang Pilipino dahil nagising na ang lahat sa propaganda ng kanilang kasinungalingan.
Binigyang diin pa ni Atty. Rodriguez na walang ibang pakay ang UniTeam kundi magkaisa ang mga Pilipino at hindi kasama sa kanilang plataporma ang paninira sa iba.
Pinayuhan din nito ang kampo ni Robredo ngayong Lenten na tigilan na ang pagpapakalat ng fake news, pagkamuhi, negatibo at maruming pamumulitika.
BASAHIN: Huling hirit na suporta sa BBM-Sara tandem bago ang OFW election, ginanap sa Los Angeles, California