NAGPAABOT ng pasasalamat ang opisina ng VP Leni Robredo sa mga tagasuporta nito kasunod ng pagbasura ng Supreme Court sa electoral protest ni dating Sen. Bongbong Marcos.
Sa isa nitong Twitter post, sinabi ni Vice Presidential Spokesperson Barry Gutierrez makakahinga na siya ng maluwag matapos ang higit apat na taong laban ng Office of the Vice President sa protesta ng natalong si Marcos.
Sa opisyal na talumpati ni VP Robredo kahapon, mariin nitong sinabi na kahit nung umpisa palang aniya ng hamon sa kaniyang pagkapangalawang pangulo ay hindi ito kailanmay nakaapekto sa kaniyang trabaho at pagsisilbi sa bayan at pagtungo sa mga lugar at pagbibigay ng tulong sa mga nangangailangan.
Samantala, matapos ang desisyong ito ng Kataas-Taasang Hukuman, hindi na nagpaabot ng salita si Robredo sa katunggali nito na si Bongbong Marcos at mas pipiliin nalang nito na ipagdiwang at namnamin ang kaniyang pagkapanalo
Pero sa isang opisyal social media post ng tagapagsalita ni dating Senador Bongbong Marcos na si Atty. Box Rodriguez, tahasan naman nitong sinabi na ang desisyon na ito ng Korte Suprema ay tumutugon lamang sa manual recount at judicial revisions sa peitisyong inihain ng kanilang kampo.
At mayroon pang isang hain sina Marcos na tumutukoy naman sa annulment of votes sa rehiyon ng Mindanao.
Kaugnay nito, nilinaw ng kampo nina Robredo na may paglilinaw din dito ang Korte Suprema na ipinapawalang bisa na nito ang petisyon ng mga Marcos sa 2016 vice presidential elections.
Kung maaalala, natalo ng 246,473 votes si Marcos kay Robredo noong 2016 elections. Ito ang naging hudyat ng paghahain ng dating senador ng electoral protest sa PET.
Matapos ang recount na ginawa sa mga balota ng tatlong pilot provinces na pinili ng dating senador, lumabas na nadagdagan pa ang lead o agwat ng lamang ni Robredo ng 15,000 votes.
Kabilang sa pilot provinces ang Camarines Sur, Iloilo at Negros Oriental.