NABUNUTAN ng tinik si VP Leni Robredo matapos selyuhan ng Korte Suprema (SC) bilang Presidential Electoral Tribunal (PET) ang pagkapanalo nito bilang bise presidente noong 2016 elections.
Ito’y matapos na ibasura ng mga mahistrado ang protesta ni dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. laban sa kaniya.
Ayon kay Robredo, masaya ang buong OVP sa kinalabasan ng desisyon ng SC dahil patunay na walang naganap na dayaan sa noong 2016 polls.
May panawagan naman si Robredo sa kaniyang mga taga suporta at sa taumbayan.
“Now that this issue has been definitely settled, ay hinihingi ko lang sa lahat lalo na siguro sa supporters natin is to put this rancor behind us and let us move forward together. Maraming pinagdadaanan ang ating bansa ngayon, marami tayong kahirapan na pinagdadaanan, isantabi muna natin ang mga sama ng loob, isantabi muna ang mga hindi pagkakaintindihan, isantabi muna ang away kasi maraming umaasa sa atin,” pahayag ni Robredo.
Dahil sa panalo nito, marami ang nagtatanong kung ano na nga ba ang plano nito sa paparating na 2022 elections.
“Alam mo parang gusto ko munang namnamin ang araw na ito. Almost five years din naming hinintay. Syempre paulit-ulit naming sinasabi sa inyo pero ‘yun talaga ang totoo. Nakita niyo naman siguro ang opisina namin ngayon para pa rin kaming bodega. Parang immersed pa kasi kami sa pang-araw-araw na pagtugon sa mga pangangailangan ng ating…’yung mga naapektuhan ng pandemya. Pakiramdam ko parang kasalanan na pulitika na ‘yung isipin ko, na ‘yung aking political plans ang uunahin at hindi ang pagsigurado na yung mga lubos na naghihirap ngayon ay hindi namin maasikaso. So, dadating ‘yun siguro ‘pag nakabuwelo na tayo sa vaccine, ‘pag ma-settled na lahat mas may panahon na tayo para tutukan ‘yung plano,” ayon kay Robredo.
Nauna nang sinabi ni Supreme Court Brian Hosaka nitong Martes, “unanimous” o lahat ng 15 mahistrado ang bumuto pabor na ibasura ang protesta.
Hindi naman binanggit ni Hosaka kung maaari pang iapela o makapaghain ng motion for reconsideration si Marcos sa desisyon ng SC.
Sinabi naman ng Palasyo na iginagalang nila ang pasya ng Korte Suprema.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, nakapagpasya na ang Kataas-Taasang Hukuman at dapat itong igalang.
“‘Yan ay desisyon ng Kataas-taasang Hukuman. We respect that,” ani Roque.