PINUNA ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang pahayag ni VP Leni Robredo laban sa kanya dahil tinatangka umano nito na maging ‘relevant.’
Ito’y matapos inudyukan ni VP Robredo si Pangulong Duterte na magpabakuna ito ng Sinovac vaccine mula sa China.
Sinabi ng Duterte na maaring nais ni Robredo na mabakunahan siya ng Sinovac dahil may duda itong nakatanggap siya ng Sinopharm vaccine kasama ng kanyang close-in security detail nakaraang taon.
Matatandaan na inamin ng Presidential Security Group (PSG) na nabakunahan na ang ilang miyembro nito noong Setyembre at Oktubre nakaraang taon.
“You seem to have an angel face but a devilish mind. ‘Yung pagduda mo kasi tapos na ako kaya you want me to go into a trap of saying things which are not appropriate,” ayon kay Pangulong Duterte kay Robredo.
Aniya, nagpapalabas si VP Robredo ng mga pahayag sa layuning gumawa ng headlines at maging relevant.
“Ikaw sige ka lang salita diyan wala ka namang ginagawa. Sige ka issue-issue ng statement. You know what? Because you want to be relevant here. Gusto mong sumali sa laro na para pakinggan ka rin,” ayon pa sa Pangulo.
Tinukoy rin ng Pangulo ang kaugnay sa panawagan ni Robredo para sa karagdagang pagsusuri sa Sinovac vaccine ng Health Technology Assessment Council (HTAC), isang advisory board na gumagawa bilang tagapagrekomenda sa Department of Health (DOH).
Matatandaan na inaprubahan ang Sinovac para sa Emergency Use Authorization nito ng Food and Drugs Administration (FDA).
“Bakit ‘di mo na sinabi noon ‘yan? Tapos sabi mo dadaan proseso. Anong proseso ang gusto mo na tapos naman ‘yan lahat? Gusto mo dagdagan?” kuwestyon ng Pangulo kay Robredo.