VP Sara, binisita ang ilang paaralan sa Masbate matapos ang mga pag-atake ng CTGs

VP Sara, binisita ang ilang paaralan sa Masbate matapos ang mga pag-atake ng CTGs

BINISITA ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte ang 7 paaralan sa Masbate na naapektuhan ng kaguluhan na dala ng New People’s Army (NPA) noong Marso.

Personal na tiningnan ni VP Duterte ang sitwasyon ng mga mag-aaral at guro sa nasabing probinsiya.

Kabilang sa pinuntahan ni VP Duterte ang Palani Integrated School sa Balud, Guindawahan Elementary School sa Pio Corpuz, Locso-an Elementary School at Arriesgado Sevilleno High School sa Placer, Villa Hermosa Elementary School at Villa Hermosa National High School sa Cawayan, at Masbate Comprehensive National High School sa Masbate City.

Matatandaang suspendido ng isang linggo ang face-to-face classes sa 6 na bayan ng Masbate kasunod ng mga sagupaan na nakaapekto sa mahigit 55,000 mag-aaral at 2,815 na tauhan ng paaralan.

Nauna nang kinondena ng pangalawang pangulo ang NPA na naging sanhi ng pagkagambala sa mga pag-aaral ng mga estudyante sa Masbate.

Binigyang-diin naman ni VP Duterte sa kaniyang mensahe sa mga mag-aaral ang kahalagahan ng edukasyon sa pagwawakas sa siklo ng kahirapan.

Nagsagawa rin ng dayalogo ang pangalawang pangulo sa mga school head at mga guro tungkol sa kanilang mga concern tulad ng mga school building, pagbabawas ng paper works ng mga guro, at pagbibigay ng stress debriefing kasunod ng mga sagupaan.

Pinangunahan din niya ang pamamahagi ng mga school supplies at dental kits sa mga mag-aaral sa 7 magkakaibang pampublikong paaralan sa lalawigang ito.

May kabuoang 1,513 mag-aaral mula sa iba’t ibang paaralan sa lalawigan ang nakatanggap ng PagbaBAGo kits.

Bukod sa pamamahagi ng mga bag, nakipag-usap din si VP Duterte sa mga magulang at kinukumbinsi silang magsanay ng responsableng parenthood at family planning.

“Binisita natin ngayong araw ang 7 pampublikong paaralan sa lalawigan ng Masbate ilang linggo matapos ng ilang sagupaan sa pagitan ng government army at mga NPA.”

“Pumunta tayo sa Palani Integrated School sa Balud, Guindawahan Elementary School sa Pio Corpuz, Locso-an Elementary School at Arriesgado Sevilleno High School sa Placer, Villa Hermosa Elementary School at Villa Hermosa National High School sa Cawayan, at Masbate National Comprehensive High School sa Masbate City.”

“Sa ating pagbisita, binigyang-diin natin sa mga mag-aaral ang kahalagahan ng edukasyon sa pagwawakas ng kahirapan, at lubusang pag-iingat sa mga posibleng insidente ng mga armadong sagupaan.”

“Nakipag-diyalogo rin tayo sa mga guro upang pakinggan at tugunan ang kanilang mga hinaing sa loob ng sektor ng edukasyon tulad ng karagdagang school buildings, pagbabawas ng paper works ng mga guro, at pagbibigay ng stress debriefing.”

“Pinangunahan rin natin ang pamamahagi ng mga PagbaBAGo kits sa kabuuang 1,513 mag-aaral mula sa iba’t ibang paaralan sa lalawigan.”

“Tulad ng mga naunang PagbaBAGo distribution, ibinahagi natin sa mga kabataan ang kahalagahan ng edukasyon at ang pagkakaroon ng determinasyong makatapos ng pag-aaral ang magiging susi nila upang maabot ang kanilang mga pangarap sa buhay,” mensahe ni VP Duterte.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter