MUKHANG walang epekto ang mga ginagawang pagpapahid ng putik kay Vice President Sara Duterte ng mga kritiko nito.
Kahit anong paninira at alegasyong ibinabato sa pangawalang pangulo ay heto’t nananatiling mataas ang trust at performance ratings nito.
Base sa resulta ng Tugon ng Masa Survey ng OCTA Research Group na isinagawa noong Disyembre 10-14, 2023, nakakuha si VP Sara ng 77% trust rating na mas mataas ng dalawang puntos kumpara noong Oktubre 2023.
Mas mataas din ito ng isang puntos mula sa ka-tandem nito noong 2022 elections na si President Ferdinand R. Marcos, Jr. na may 76% trust rating.
Mas mataas naman ito ng 13% kumpara kay House Speaker Martin Romualdez na may 64% at 18% kumpara kay Senate President Juan Miguel Zubiri.
Si VP Duterte din ang may pinakamababang nakuha na distrust rating na nasa 5% lang.
Nananatili namang buo at solido ang tiwala ng Mindanao kay VP Sara na may 99%, sinundan ito ng Visayas, Balance Luzon, at National Capital Region.
Pagdating naman sa performance rating, nangunguna rin ang pangalawang pangulo sa top officials ng gobyerno.
Mayroon itong 75% rating na mas mataas ng limang punto sa naitala nitong 70% na performance rating noong Oktubre 2023.
Sinundan naman si VP Sara ni Pangulong Marcos na may 71%, Speaker Romualdez na may 65%, Senate President Zubiri na may 60% at Supreme Court Chief Justice Alexander Gesmundo na may 18%.
Isinagawa ang naturang survey sa 1,200 adult respondent na may positive-negative 3% margin of error.