VP Sara Duterte, pinapaimbestigahan na ang pagbili ng mahal at outdated na laptops ng PS-DBM

VP Sara Duterte, pinapaimbestigahan na ang pagbili ng mahal at outdated na laptops ng PS-DBM

PINAIIMBESTIGAHAN na ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte ang pagbili ng mga mamahalin at outdated na laptop na ibinigay sa mga guro sa kasagsagan ng pandemya noong 2021.

Ayon kay Department of Education (DepEd) Usec. Epimaco Densing III, sumulat na sila sa Commission on Audit (COA) para magsagawa ng fraud audit sa naturang procurement ng Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM).

Paliwanag ni Densing na isa sa mga tinitingnan nila ngayon ay kung bakit bumaba ang specifications ng mga nabiling laptop at kung bakit din tumaas ang presyo ng mga ito – malayo aniya sa request ng DepEd.

Pero iginiit ni Densing na ayaw muna nilang manghusga sa ngayon at sabihin kung may anomalya sa pagbili ng mga laptops.

Sa ngayon, napagdesisyunan ng DepEd na upang makaiwas sa ganitong mga kontrobersiya ay ang kagawaran na mismo ang magsasagawa ng mga procurements.

Sasampahan naman ng kaso ang mga dawit sa pagbili ng mga laptop sakaling may makitang hindi tama ang COA.

Una nang sinabi ni Atty. Michael Poa, tagapagsalita ng DepEd, aminado ang kagawaran na nahihirapan sila sa  pagtugon sa audit observation memorandum ng COA ukol sa overpriced laptops.

Hindi pa kasi nila natatanggap ang mga kinakailangang dokumento na siyang naging batayan ng PS-DBM sa pagbili ng mga nasabing gadget.

 

Follow SMNI News on Twitter