HUWAG magpakita ng awa sa mga terorista at mga kriminal.
Ito ang iginiit ni Vice President Sara Duterte sa kaniyang pagpupulong kasama ang mga opisyal ng security sector ng Pilipinas.
Si VP Sara ang kasalukuyang officer-in-charge habang nasa state visit si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa Indonesia at Singapore.
Pinag-usapan din nila ang pagpapaigting sa seguridad ng Pilipinas habang nasa state visit ang Pangulo.
Ani Duterte, maaaring maantala o mapigilan ang mga adhikain ng pamahalaan dahil sa mga puwersa na nais idiskaril ang pag-unlad ng bansa.
Makarerekober lang aniya ang bansa kung matutugunan ang mga banta sa seguridad.
Tiniyak naman ni Duterte sa mga opisyal na ang buong pamahalaan ay nasa likod nila sa kanilang laban kontra insurhensiya at terorismo.
Kabilang din sa naging paksa ng pagpupulong ang plano sa mandatory Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) sa basic at higher education at ang imbestigasyon sa mga guro na sangkot sa sexual harassment sa Cavite.