HINDI dumalo si Vice President Sara Duterte sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability patungkol sa paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education nitong araw ng Miyerkules.
Sa isang sulat na ipinadala ni Vice President Sara kay Congressman Joel Chua, iginiit niya na hindi naman siya tinanong ng mga kongresista kahit pa naroon na siya’t dumalo sa ginawa nilang pagdinig noong Setyembre 18, 2024.
Kaya naman napagdesisyunan niya na lang na hindi na rin dumalo sa mga susunod pang pagdinig ng naturang komite.
Natanggap ng bise ang imbitasyon mula sa komite nang dumalo siya sa QuadComm hearing noong Nobyembre 13.
Nang tanungin kung dadalo pa ba siya kung iimbitahing muli, ito ang naging sagot ng bise.
“Sa kasalukuyan, case-to-case basis kami. Depende kung may matatanggap na imbitasyon. Depende rin sa desisyon ng tao,” saad ni Vice President Sara Duterte.
VP Sara, naaawa sa ilang empleyado ng OVP na dinadamay ng mga kongresista sa kanilang hearing
Patungkol naman sa mga iniimbitahang empleyado ng Office of the Vice President sa pagdinig ng Kamara, binigyang-diin ni Vice President Duterte na hindi niya pipiliting dumalo ang mga ito.
“Ang aking palaging sinasabi sa kanila, kailangan kayong magdesisyon. Kailangan kaming ipaalam ang inyong desisyon para malaman namin kung ano ang maitutulong namin sa inyo,” ayon pa kay VP Duterte.
Naaawa na nga aniya siya sa kaniyang mga empleyado na idinadamay ng mga kongresista sa nasabing pagdinig.
Aniya ito ang pinakamalaking hamon na kaniyang kinakaharap kung saan palagi aniyang iniisip kung papaano siya makatutulong sa kanila.
“Ang mga kasamahan ko sa Office of the Vice President, kung makikita ninyo, talagang kawawa sila. Sa pag-persecute sa akin, sa paghabol sa akin, sa paninira sa pangalan ko, naapektuhan ang kanilang trabaho. Nadamay ang kanilang mga pangalan. Naaawa ako sa kanila,” aniya.
“Palagi ko iniisip at naaawa ako sa kanila dahil naapektuhan ang kanilang pangalan at reputasyon,” giit nito.
Acknowledgment receipt na nakapangalan sa isang “Mary Grace Piattos,” hindi dumaan kay VP Sara
Kaugnay naman kay “Mary Grace Piattos” na isa umano sa mga pumirma sa acknowledgment receipt na isinumite ng OVP sa Commission on Audit kaugnay ng ginastos nito sa confidential funds, sinabi ni VP Sara na hindi niya personal na nakita ang nasabing receipt.
Ang naturang pangalan ay bigla na lang lumutang sa pagdinig ng nasabing komite.
No comment din ang bise sa pag-aalok ng ilang mga lider ng Kamara ng P1M reward sa makapagbibigay ng impormasyon para mahanap si “Mary Grace Piattos.”
“I have no comment on that no kasi I have not seen the acknowledgment receipt na sinasabi nila. Kasi basically lahat ng documents, hindi siya dumadaan sa akin. Dumidiretso siya sa SDO and sinasubmit siya sa ECFAO ‘yung Office ng COA na gumagawa ng audit ng confidential funds,” dagdag nito.
“Hindi namin alam kung paano pinroseso ‘yung pagbigay ng copy nung ARs or nung submission namin sa COA to the House of Representatives and sino ang naghahandle noong documents,” aniya.
Nasa Gingoog, Misamis Oriental si Vice President Sara nitong Miyerkules kung saan pinangunahan niya ang pamamahagi ng gift packs sa mahigit 3,000 benepisyaryo sa OVP Thanksgiving Activity ng Caraga Satellite Office.
Personal ding itinurn-over ng bise ang Mag Negosyo Ta Day livelihood grant na nagkakahalaga ng P150,000 sa isang kooperatiba ng magsasaka.
Bahagi ang nasabing aktibidad ng 89th Founding Anniversary ng OVP.