HINDI itinuturing bilang ‘terorista’ si Vice President Sara Duterte.
Ayon ito sa Department of Justice (DOJ) sa kabila ng umano’y banta ni VP Sara laban kay Pangulong Bongbong Marcos Jr.
Sa panig naman ng pangalawang pangulo, hinggil sa pagbabanta, malinaw aniya na wala siyang sinabing papatayin niya si Marcos Jr.
Binigyang-diin ni VP Sara na kikilos lang ang kaniyang resbak kung ipapapatay siya ng pangulo, ni First Lady Liza Marcos, at ni Speaker Martin Romualdez.
Pinuna na rin ng pangalawang pangulo ang National Security Council (NSC) dahil sa hindi patas na pagtugon sa aktwal na assassination attempt sa kaniya.
Sa isang panayam, saad ni VP na walang aksiyon ang NSC sa banta sa kaniyang buhay kahit siya ang ikalawa sa pinakamataas na lider ng bansa.
Samantala, inalis na ng Kamara ang contempt order laban kay Office of the Vice President (OVP) Special Disbursing Officer Gina Acosta.
Dumating nitong Huwebes, Nobyembre 28 sa Veterans Memorial Medical Center ang empleyado ng Legislative Security Bureau mula sa Office of the Sergeant-at-Arms para ipagbigay alam kay Acosta ang tungkol sa lift order.