NAGPADALA ng isang sulat si Vice President Sara Duterte sa pamamagitan ng kaniyang legal counsel sa National Bureau of Investigation (NBI) na hindi siya makakadalo sa imbestigasyon ng NBI ngayong Biyernes dahil sa ilang trabaho sa opisina na kailangan niyang asikasuhin.
Ang nasabing imbestigasyon ay kaugnay sa umano’y pagbabanta ni VP Sara laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Marcos, at House Speaker Martin Romualdez sa isang virtual press conference noong Sabado.
“Apparently, the Vice President late niya nang nalaman na cancelled ang kaniyang appearance before the House Committee Hearing. At hindi na siya nakapunta dito and ask for resetting,” saad ni Director Jaime Santiago, National Bureau of Investigation.
Sabi ni NBI Director Jaime Santiago, wala pang petsa na hiniling ang bise ngunit batay sa kanilang napag-usapan pansamantalang itatakda ang pagdalo ni Vice President Duterte sa Disyembre 11.
May iba pang hiningi ang bise gaya na lamang ng kopya ng reklamong inihain laban sa kaniya at mga itatanong ng NBI.
“We will comply to her requests dahil sa due process, out of respect dahil siya ay ang pangalawang pinakamataas na opisyal ng ating bayan,” pahayag ni Director Jaime Santiago, National Bureau of Investigation.
Para naman kay Sen. Ronald ‘Bato’ Dela Rosa, bagama’t hindi nakadalo si VP Inday ay hindi ibig sabihin na inilalagay na ng bise ang kaniyang sarili na mas mataas pa kaysa sa batas.
“Hindi niya naman sinabi na hindi siya magpapaimbestiga. Kung hindi siya makarating doon, then the NBI can go to her office to conduct the investigation. Di ba? As I have said she is not placing herself above the law. She is open for investigation,” saad ni Sen. Ronald ‘Bato’ Dela Rosa.
Mga lumahok sa Zoom press conference ni VP Sara, ipapa-subpoena ng NBI
Bukod kay VP Sara, ipapa-subpoena rin ani Santiago ng NBI ang mga miyembro ng media at mga political vlogger na nagtanong sa pangalawang pangulo.
Aniya mayroon silang natukoy na mga indibidwal.
“Ise-serve na ang subpoena doon sa mga nag-attend doon sa video clip, na-identify na namin. Isusubpoena na namin sila, mag-shed light, tanungin namin kung nangyari ‘yun in their presence, nagtatanong sila,” wika ni Director Jaime Santiago, National Bureau of Investigation.
Sen. Dela Rosa kay Cong. Khonghun: Hindi atat si Inday Sara maging presidente
Samantala sa isang press conference naman sa Kamara kamakailan ay sinabi ni Congressman Jay Khonghun na tahimik naman ang lahat kung wala lang aniya sanang nag-aambisyon kaagad na maging presidente.
Buwelta naman ni Dela Rosa dito…
“Atat si Inday Sara maging presidente or ‘yung boss nila ang atat maging presidente sa 2028 kaya dinedemolish nila si VP Sara? Which is which?” giit ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa
Iginiit pa ng senador na hindi pwedeng ambisyunin ang pagiging pangulo at tanging ang Panginoon lamang aniya ang makapagbibigay nito.
“Kahit anong planong gagawin niyo diyan paninira o pag-demolish, kahit anong gagawin ninyong plano diyan, kung hindi iyan ibigay ni Lord sa inyo, hindi talaga iyan mapunta sa inyo,” ayon pa kay Dela Rosa.
Sabi pa ni Dela Rosa, kung wala sanang ginagawa ang Kamara at Palasyo laban kay VP Sara ay tahimik lang sana ang pangalawang pangulo na nagtatrabaho.
Una nang sinabi ng bise na nais siyang tanggalin sa kaniyang posisyon.
Binigyang-diin din ni Vice President Duterte na totoo ang mga banta laban sa kaniya.
Iyan ay bago pa man nangyari aniya ang kaguluhan sa Kamara.