SINABI ni NBI Director Jaime Santiago na bago pa man ang itinakda at inaasahang pagpapakita ng pangalawang pangulo sa NBI ay nabatid na hindi siya personal na pupunta sa ahensiya.
Sa halip, nagpadala ang kaniyang abogado ng counter-affidavit o Sworn Statement.
‘Yun nga lang at ang sulat na natanggap ng NBI ay hindi ang inaasahang counter-affidavit o Sworn Statement ni Vice President Sara Duterte.
“Ang sabi sa sulat ay hindi na lang a-attend si Vice President Duterte, instead she vehemently denied the accusations that she threatened the President, the First Lady and the Speaker,” saad ni Judge Jaime Santiago (Ret.) Director, NBI.
Ayon kay Judge Jaime Santiago, mas mapapabilis ang imbestigasyon kung personal sanang haharap si VP Sara.
Gayunpaman, tinitiyak pa rin ni Santiago na magpapatuloy ang kanilang imbestigasyon.
Hanggang Biyernes na lamang ang isasagawang imbestigasyon kasama ng mga media.
“Uupo na kami, pag-uusapan na namin ito. Pero alam n’yo naman, holiday. Siguro, twice a week lang kami maka-upo at mag-aral. But expect our recommendations, our report to the DOJ, by early January,” ani Santiago.
Base sa sulat, isa sa mga nakikitang dahilan ng hindi pagpapakita ni VP Sara sa NBI ay dahil saklaw ng DOJ ang ahensiya, kung saan ang kalihim nitong si Crispin Remulla ang administrative superior at alter ego ng Presidente.
Para kay Santiago, may katwiran din namang mag-isip ng ganun si VP Sara.
Umano’y banta sa buhay ni VP Sara, iimbestigahan din ng NBI
Kasabay riyan, sinabi rin ni Santiago na kasama sa sulat ang pagbanggit ng banta sa buhay ni VP Sara, ngunit hindi pa malinaw kung sino, kailan, at paano dahil sa hindi pagsipot ng bise presidente sa NBI.
“‘Yang threat tungkol sa buhay niya, hindi rin naman kami titigil ng pag-imbestiga. But then, wala kaming concrete na evidence na siya ang na-threatened. So, alam niya kung sino nag-threat sa kanya, may proof ba tayo? ‘Yung mga ganun, ‘yun ang kailangan namin kay Vice President,” dagdag ni Santiago.
Samantala, welcome pa rin naman umano siyang magpahabol ng pahayag hanggang hindi pa naisasapinal ang ginawa nilang report.
Ngunit hindi na sila magtatakda ng panahon kung kailan ito haharap para sa imbestigasyon.