VP Sara kay Marcos Jr: Hindi kami magkaibigan

VP Sara kay Marcos Jr: Hindi kami magkaibigan

HINDI magkaibigan at nagkakilala lang sila ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong nakaraang eleksiyon.

Iyan ang rebelasyon ni Vice President Sara Duterte kamakailan.

“Hindi kami magkaibigan unang-una,” saad ni Vice President Sara Duterte.

Iyan ang diretsahang tugon ni VP Sara nang siya ay tanungin kung nag-uusap pa ba sila ni Marcos Jr. sa gitna ng mga kasalukuyang nangyayari sa politika.

Ang totoo ani VP Sara ay nagkakilala at nagkausap lang sila ni Marcos Jr. noong naging magka-running mate na sila noong 2022 national elections.

“Bago pa man kami naging running mates, hindi kami nag-uusap. Nagkausap lang kami during the campaign at dahil sa trabaho noon. But ngayon hindi kami nagkakausap.”

“Ang kaibigan ko talaga ay si Senador Imee Marcos,” ani VP Sara.

Dagdag pa ni VP Sara na hindi na sila nag-uusap ni Marcos Jr. simula noong magbitiw siya bilang kalihim ng Department of Education.

Naitanong naman sa bise kung siya ba ay nagsisisi na siya ay umanib sa Uniteam at naging running mate ang pangulo.

Ito ang naging kaniyang sagot.

“Medyo mahaba kasi iyan eh. It needs a sit down,” tugon ng bise presidente.

Pero matatandaan na sa selebrasyon ng 39th Anniversary of the Feast of the Passover ng Kingdom of Jesus Christ sa Davao City, humingi ng tawad ang bise sa mga taga-KOJC dahil sa paghingi niya ng suporta para kay Marcos Jr.

“Hinihingi ko lang ang patawad ninyo na nagkamali ako. Nagkamali ako sa paghingi ng tulong at suporta niyo para kay Pangulong Bongbong Marcos. I was on the mistaken belief that we were together on the platform of unity and continuity. Nagkamali ako kaya hinihingi ko ang patawad ninyo,” pahayag ni VP Sara.

‘Never again’ naman ang sagot ni Vice President Duterte sa tanong na kung makikipag-tandem pa siya sa mga Marcos.

Pero sa tingin kaya ni Vice President Duterte ay may kumpas ni Marcos Jr. ang mga ginagawa ng Kamara laban sa kaniya?

“Ma’am hindi ko sagutin iyan ha kasi sarcastic iyong sagot ko diyan,” aniya.

Sa papalapit naman na 2025 midterm elections, hindi tatakbo si VP Sara at siya ay magpapahinga.

Plano ni VP Sara sa 2028 elections, malalaman ng taumbayan sa huling quarter ng 2026

Pero may plano na kaya ang pangalawang pangulo sa 2028 elections?

“Magsasabi ako kung tatakbo ako sa fourth quarter ng 2026,” aniya.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble