MULING dinalaw ni Vice President Sara Duterte ang kaniyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa ICC Detention Center sa The Hague, Netherlands.
Ayon kay Vice President Sara, nakakapag-grocery si dating Pangulong Duterte sa loob ng pasilidad. Mayroon na rin aniyang supply ng mga paborito nitong soft drinks na kaniyang hiniling.
Dumating na rin ang mga damit ng dating Pangulo mula sa Davao, na inaasahang maibibigay sa kaniya sa Martes.
Habang nasa detention center, hinikayat niya ang kaniyang ama na magsulat ng libro.
“Sabi ko, “Magsulat ka na lang ng libro, and then when you get out, we sell it and we make money out of it.” And then he said, “I’m too old to write a book,” ayon kay Vice President Sara Duterte.
May mensahe rin ang dating Pangulo sa mga Pilipinong araw-araw na nagtitipon sa labas ng detention center upang magpakita ng suporta.
“He said, “Ang message ko ay if you are angry, you are allowed to say anything, almost anything, and that is okay,” dagdag pa ni VP Sara.
Sa papalapit na kaarawan ni dating Pangulong Duterte sa Marso 28, tinanong si VP Sara sa plano nito.
“Ang suggestion ko sa kanila, maybe magkaniya-kaniya na lang tayo ng picnic. Kung gusto ninyo ng ganoon para wala nang program, para hindi na tayo kailangan magpaalam. Kasi it’s not a rally, it’s not a protest. It’s just a birthday picnic,” aniya.
Ayon kay VP Sara, nakatakdang bumisita kay dating Pangulo si Kitty Duterte at ang ina nitong si Honeylet Avanceña. Posible ring dumating sa The Hague ang ina ni VP Sara na si Elizabeth Zimmerman sa Biyernes o Sabado.
Sa ngayon, hindi pa aniya buo ang defense team ng kaniyang ama.
“Dito lang naman kasi sa ICC, hindi pa mabuo ang team kasi we are waiting for the papers of the other lawyers. Kailangan ko matapos. And kailangan ko ma-introduce ‘yung lawyer in charge for PRRD inside and outside world doon sa mga kapatid ko and kay Sheleto para puwede na akong bumalik sa Pilipinas at pumunta na lang dito kapag kailangan,” aniya pa.
Dagdag pa ni VP Sara, kasalukuyan silang bumubuo ng shortlist ng mga Pilipinong abogado na maaaring maging bahagi ng defense team ni dating Pangulong Duterte.
VP Sara, ikinababahala ang posibilidad na matulad si dating Pangulong Duterte sa sinapit ni Ninoy Aquino
Nilinaw ni VP Sara ang kaniyang pahayag na maaaring matulad si dating Pangulong Duterte kay Ninoy Aquino sakaling umuwi ito sa Pilipinas.
“Ang binabasehan lang natin kung ano ang nangyari noon. Nakita naman natin ‘yung nangyari noon, hindi naman ‘yun mabura sa kasaysayan. At ito ay nagpapakita kung ano ‘yung kapasidad nila to do this kind of things, including that extraordinary rendition where they took the former president out from the Philippines and brought him to The Hague,” paliwanag ng Bise Presidente.
Sinagot din ni VP Sara ang pahayag ng Palasyo na inihahalintulad umano ni dating Pangulong Duterte ang kaniyang sarili kay Adolf Hitler at hindi kay Ninoy Aquino.
“Hindi naman si dating Pangulong Rodrigo Duterte ang nagsasabi na magiging Ninoy Aquino siya. Ang nagsabi nun ako at hindi si Pangulong Duterte. Those were my fears for the life of my father,” wika pa nito.
Sa kabila ng pangamba ni VP Sara, nananatili pa rin ang kagustuhan ng kaniyang ama na makabalik sa Pilipinas at muling maglingkod bilang alkalde ng Davao City.
Hindi pinalampas ni VP Sara ang isyu sa confidential funds
Sinagot din ni VP Sara ang mga akusasyon ng Kamara kaugnay ng confidential funds.
“They can say what they want to say. Pwede naman nila iyang sabihin. And ako din, nag-file na rin si Congressman Pantaleon Alvarez questioning the budget and what happened to the budget and constitution infirmity and irregularities to the budget. And I can say what I want to say. It doesn’t have to be na dahil pinupuna ko sila sa ginagawa nila sa ating bayan ay kailangan ko ding sagutin ‘yung sinasabi nila,” aniya.
VP Sara sa panawagang BBM resign: Dapat may malinaw na dahilan
Kaugnay ng panawagan ng mga Pilipino sa Europa na mag-resign si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., iginiit ni VP Sara na dapat malinaw ang mga dahilan nito.
“Kapag nanawagan kayo ng BBM resign, dapat sabihin niyo kung bakit para maintindihan noong mga nakikinig kung bakit ba tayo nananawagan mag-resign,” giit nito.