INIREREKOMENDA ni Sen. Imee Marcos ang pagsasampa ng criminal at administrative charges laban sa ilang miyembro ng gabinete ng administrasyong Marcos Jr., at ilan pang matataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP), kaugnay ng umano’y ilegal na pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Kabilang sa mga pinangalanan ni Sen. Imee na dapat panagutin ay sina Justice Secretary Boying Remulla, Interior Secretary Jonvic Remulla, PNP Chief General Rommel Marbil, PNP-Criminal Investigation and Detection Group Director Major General Nicolas Torre III, at Special Envoy on Transnational Crime Ambassador Markus Lacanilao.
Nagpahayag naman ng pasasalamat si VP Sara Duterte kay Sen. Marcos sa pagbubunyag ng mga aniya’y seryosong pagkukulang ng kasalukuyang administrasyon sa usapin ng karapatang pantao at proseso ng batas—partikular na sa ginawa umanong pagdukot sa kaniyang ama.
Tinawag ni VP Sara ang pangyayari bilang isang malinaw na kaso ng “pagdukot”—isang terminong hindi na aniya dapat balewalain o pagtakpan, lalo’t may kinalaman sa isang dating Pangulo ng bansa.
Dahil dito, iginiit ng Bise Presidente na dapat lamang na managot ang mga nasa likod ng kontrobersyal at mapanganib na operasyon.
“Ngayon gusto naming makita na ma-file-an ng kaso ‘yung mga tao na may kasalanan sa kung anong nangyari sa pagdukot kay Pangulong Rodrigo Duterte. Ngayon, kung sasabihin ng administrasyon na hindi iyon nila ginawa at hindi iyon political ang pagkuha nila kay Pangulong Duterte, dapat nakikita natin na may mga kaso ang mga taong ito,” pahayag ni Vice President Sara Duterte.
Kasong isinampa vs. Harry Roque, hindi ikinagulat ni VP Sara
Samantala, hindi na ikinagulat pa ni VP Sara ang kasong qualified human trafficking na isinampa ng Department of Justice (DOJ) laban kay dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque.
Aniya, siya man ay nakatanggap na rin ng subpoena mula sa Office of the Prosecutor, kaugnay ng isang kasong inihain ng National Bureau of Investigation (NBI) laban sa kaniya.
“Hindi na tayo nagugulat, ‘no, na merong case na pinahil kay dating Spokesperson Atty. Harry Roque, dahil isa talaga siya sa mga malakas ang boses at malakas ang loob na magsabi kung ano ang mali sa administrasyon ngayon. In fact, ako man ay naka-receive din kanina ng summons sa Office of the Prosecutor sa finile ng National Bureau of Investigation na kaso laban sa akin,” dagdag ni VP Duterte.
Ayon kay Atty. Roque, malinaw na ang kasong isinampa laban sa kaniya ay bahagi ng “pambababoy” ng administrasyong Marcos Jr. sa criminal justice system.
Wala aniya itong sapat na basehan at isa lamang paraan upang gipitin ang mga kaalyado ni dating Pangulong Duterte.