SA isang interview kay Vice President Sara Duterte kamakailan, nagpaliwanag ito patungkol sa mga nangyari sa budget hearing ng Office of the Vice President para sa budget proposal nito sa taong 2025.
Partikular na nga diyan ang hindi niya pagsagot sa mga tanong ng ilang miyembro ng House of Representatives.
Naging laman ito ng balita kung saan may mga nagsasabi pa na nag-asal ‘bratinella” si Vice President Duterte at hindi ito sana’y na matanong kaya ganon na lamang ang naging asta ng pangalawang pangulo.
Pero sabi ni VP Sara, sanay siyang sumagot sa mga tanong kaya nga nagpapaunlak siya ng mga interview.
Dagdag pa nito na alam din ng taumbayan na hindi siya isang spoiled brat.
“Alam ng taumbayan na hindi ako ‘bratinella’ o spoiled brat dahil kilala nila ako simula noong ako ay nasa Davao pa, simula nang ako ay mayor pa hanggang naging vice president ako. Kilala ako ng taumbayan na hindi ko inaabuso ang aking power and ang aking authority sa lahat ng mga opisina na nahawakan ko. Testigo ko ang buong bayan na hindi ako isang spoiled brat. In fact, noong ako ay lumalaki, ang mga kaibigan ko, hindi naman sila galing sa political na pamilya, sa mga mayayaman na pamilya, sa mga powerful na pamilya. Sila ay mga ordinaryong tao lamang at ‘yun ang kinalakihan ko,” pahayag ni Vice President Sara Duterte.
Paliwanag pa ng bise na baka hindi lang sanay ang ilang miyembro ng Kamara na hindi nila makuha ang gusto nilang sagot.
“Hindi sanay ‘yung mga iilan na mga representatives natin na sinasagot sila sa kanilang mga patutsada. Kaya sa tingin ko, isa din itong parang atake din nila na parang: “oh, bratinella ‘yan,” kahit na sumagot naman ako. Hindi nga lang sa gusto nila,” ayon pa kay VP Sara.
Naniniwala naman ang pangalawang pangulo na may kapangyarihan talaga ang Kongreso na busisiin ang budget ng bawat ahensiya ng gobyerno na aniya ay nakalagay sa Saligang Batas.
‘Yun nga lang aniya ay pinili niyang hindi sumagot sa question and answer portion sa budget hearing ng Kamara at desisyon na ng mambabatas kung ano ang gagawin nila sa budget ng OVP.
Pero ang tanong, hindi ba dapat karapatan ng taumbayan na malaman kung saan mapupunta at gagamitin ang pondo ng OVP para sa 2025?
Ito ang naging tugon ng bise presidente.
“Yes. Napakahalaga sa akin na malaman ng taumbayan ang Office of the Vice President budget proposal. Kaya nga bago kami pumunta sa Senate, bago kami pumunta sa House ay pinublish namin ‘yung budget proposal namin sa aming website sa Office of the Vice President, sa social media platforms namin, ginawa namin siyang madaling intindihin ng taumbayan, kung saan papunta ‘yung budget proposal ng Office of the Vice President,” dagdag nito.
Budget hearing, ginagamit ng ilang politiko para mang-atake—VP Sara
Pagbibigay-diin pa ng pangalawang pangulo na ginagamit lamang ang budget hearing para siya ay atakehin.
“Unang-una, dahil nakikita namin na ginagamit siya ng ibang mga miyembro, iilan na mga miyembro ng Kongreso para umatake sa akin dahil hindi kami magkasama sa pulitika. Pangalawa, kasi ang budget ng Pilipinas ay hawak lang ng dalawang tao,” diin ng Bise Presidente.
Nakatakda namang ibunyag ni Vice President Sara sa ikalawang bahagi ng kaniyang interview ang dalawang tao na may hawak ng budget ng bansa.
Aniya isa sa ito sa mga dahilan ng kaniyang pag-resign bilang kalihim ng Department of Education.