Wala pang survey na naunahan na ni VP Robredo ang Pangulo —Palasyo

Wala pang survey na naunahan na ni VP Robredo ang Pangulo —Palasyo

IGINIIT ng Malakanyang na wala pang survey na nagsasabing naunahan na ni Vice President Leni Robredo si Pangulong Rodrigo Duterte pagdating sa kung sino talaga ang pinaniniwalaan ng taumbayan.

Ito ang sagot ni Presidential Spokesman Sec. Harry Roque kaugnay sa pagkukumpara ng ilang netizens sa public address nina Pangulong Duterte at VP Robredo.

Ayon sa ilang tagasuporta ng vice president, mas may laman at malinaw anila ang talumpati ni Robredo kumpara kay Pangulong Duterte.

Kaugnay nito, sinabi ni Roque na mahirap aniyang magkomento patungkol sa mga random comment.

Giit ng kalihim, mas marapatin niyang hintayin na magkaroon ng survey kaugnay ng naturang usapin kaysa makinig sa social media trolls na taga-suporta ng bise presidente.

Malakanyang, sinagot ang pasaring ni VP Robredo laban sa Administrasyong Duterte

Samantala, isa-isa namang sinagot ng Malakanyang ang mga pasaring ni Vice President Leni Robredo sa isinagawa nitong public address nitong Lunes.

Hindi sang-ayon si Roque sa pahayag ni Robredo na “parang walang namumuno” sa bansa sa gitna ng pandemya.

Pinasinungalingan din ni Roque ang statement ni Robredo na hindi sapat ang ginagawang hakbang ng pamahalan sa pagresponde sa COVID-19 pandemic.

Gayunpaman, nakiusap ang Palasyo sa kabilang panig na isantabi muna ang pulitika, bagkus, makiisa na lamang sa gitna ng pandemya at tulungan ang taumbayan na makaahon sa dinaranas na krisis ng bansa.

Una rito, sa 20-minutong speech ni Robredo nitong Lunes ay hayagang binatikos nito ang ginagawa ng gobyerno sa pagtugon sa COVID-19.

Binuweltahan naman ni Pangulong Duterte ang panibagong pasaring ni Robredo sa ginagawang hakbang ng pamahalaan laban sa pandemya at iginiit ng Presidente sa kanyang public address na nagdaragdag lamang ng “fuel to the fire” ang bise presidente.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published.