NATIKETAN ang isang motorista sa isang COMELEC checkpoint sa Pasay City kagabi matapos na mahuli na walang maayos na kasuotan, at mapatunayan na hindi bakunado.
Nakatsinelas lang ang mamang ito na kinilalang si Junemar Cambe nang masita ng mga tauhan ng PNP Pasay sa isa sa kanilang COMELEC checkpoint kagabi.
Ayon kay Junemar, hindi niya sinasadya ang hindi pagsusuot ng sapatos habang nagmamaneho sa kanyang motorsiklo.
Alam naman daw niya na bawal ito pero dahil nasa malapit lang kasi ang pupuntahan niya.
Sinubukan pa nitong makiusap pero hindi siya pinagbigyan ng pulis.
Bukod sa hindi pagsusuot ng sapatos, napag-alaman din na hindi pa bakunado si Cambe pero pinilit pa rin nitong lumabas ng bahay.
Aniya, hindi siya naniniwala sa bakuna at sa COVID-19 at dapat igalang aniya ang kanyang paniniwala.
Pero sa parte ng mga pulis na araw araw na humaharap sa banta ng COVID-19, hindi pabor sa tinuran ng mga ganitong pasaway na tao.
Nauna nang ipinag utos ni Pangulong Duterte sa mga barangay ang paghuli sa mga indibidwal na hindi bakunado bilang hakbang para maiwasan ang pagkalat pa lalo ng COVID-19 sa bansa.
Samantala, umabot sa labing apat na indibidwal ang naitalang lumabag sa COMELEC checkpoint na kinabibilangan ng ilang traffic violations gaya ng hindi pagsusuot ng helmet, walang proper dress code, driving without license at hindi pagdadala ng vax card
Agad na tiniketan ang mga ito sa ilalim ng umiiral na city ordinance na may kaugnay sa traffic regulations, COMELEC gunban at anti-criminality campaign ng PNP.