NANINIWALA si Atty. Ferdinand Topacio na walang ebidensiya kaya hanggang ngayon ay wala pa ring naisasampang kaso laban sa kaniyang kliyente na si Cong. Arnie Teves para sa Degamo murder.
Una nang itinuring ng Department of Justice (DOJ) si Teves na siyang utak sa krimen.
Pero bakit nga kaya hindi pa rin ito nakakasuhan gayong 2 buwan na ang lumipas nang patayin si Negros Oriental Gov. Roel Degamo noong March 4.
Ang biyuda ni Roel na si Pamplano Negros Oriental Mayor Janice Degamo may sagot kay Topacio.
Samantala, para sa reklamong illegal possession of fire arms and explosives laban kay Teves at anak nitong si Axl at Kurt, idineklara na itong submitted for resolution ng DOJ panel.
Sa hearing araw ng Biyernes, sa halip na counter affidavit ay motion to dismiss ang inihain ng abogado ni Teves at ang abogado nila Kurt at Axl.
Wala umano kasing probable cause ang reklamo at highly irregular ang ginawang search and seizure sa bahay ng PNP-CIDG sa Bayawan.
Samantala, sa Miyerkules ay ipagpapatuloy ng Senate panel ang pagdinig hinggil sa mga serye ng pagpatay sa Negros Oriental.
Ayon kay Senator ‘Bato’ dela Rosa, imbitado pa rin si Teves pero kung ihihirit nito ang video conferencing habang nasa ibang bansa ay kailangan pa rin nitong pumunta ng embahada para makapanumpa.
Una nang pinunto ni Dela Rosa na kailangang nasa hurisdiksyon ng bansa si Teves lalo na kung kailangan nitong i-cite for contempt.