PINAWI ng Malakanyang ang pangamba sa espekulasyon na magkakaroon ng pag-aresto laban sa mga mag-aaral ng University of the Philippines o UP na magsasagawa ng rally.
Ito ang tugon ng Palasyo kasunod ng pagsasawalang-bisa ng 1989 UP-Department of National Defense o UP-DND Accord na siyang nagbabawal sa pagpasok ng pulis at militar sa campuses ng nabanggit na unibersidad nang walang abiso sa pamunuan ng pamantasan.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, hindi mandato ng Armed Forces of the Philippines o AFP na arestuhin ang mga magkakasa ng protesta sa nasabing unibersidad.
Giit ni Roque, mandato ng Hukbong Sandatahan ang pagdepensa sa estado at hindi ang mang-aresto ng mga nagsasagawa ng kilos-protesta.
Dagdag pa ng kalihim, ang pagtutok naman sa iligal na droga ang trabaho ng mga pulis.
Binigyang diin pa ng tagapagsalita ng Palasyo na hindi paglabag sa academic freedom ng mga estudyante ng UP ang hakbang na pagbasura sa naturang kasunduan.
Samantala, matapos ang UP, pinakakansela rin ng Duterte Youth party-list sa DND ang kasunduan nito sa Polytechnic University of the Philippines (PUP) gaya ng ginawa sa University of the Philippines (UP).
“As Vice-Chairperson of the House Committee on National Defense and Security, I call on the DND to also cancel its similar PUP-DND Accord,” pahayag ni Duterte Youth Rep. Ducielle Cardema.
Sambit ni Duterte Youth party-list Representative Ducielle Cardema, UP graduate, na ilang kaliwa ang nang-abuso sa UP-DND Accord.
“With this in mind…the Duterte Youth party-List fully supports the move of the DND to cancel the UP-DND Accord which has been abused by some radical leftist groups to promote the youth recruitment of the CPP-NPA-NDF in their campuses,” pahayag ni Cardema.