Walk-in COVID-19 vaccination, pwede sa mga senior citizen sa gitna ng ECQ

Walk-in COVID-19 vaccination, pwede sa mga senior citizen sa gitna ng ECQ

PAPAYAGAN ang mga senior citizen na mag walk-in sa mga COVID-19 vaccination centers habang nakasailalim sa enhanced community quarantine ang Metro Manila ayon sa chairperson ng National Vaccination Operations Center (NVOC).

Ayon kay Health Undersecretary Myrna Cabotaje, hindi pa rin maaaring makalabas ang mga senior citizens sa kanilang mga tirahan at maaari lamang itong lumabas kung tutungo sa vaccination centers.

Base sa datos ng NVOC, tanging 32.57% lamang ng higit 8.5 milyong senior citizens ang may kumpletong bakuna.

Matatandaan na ipinarating ng World Health Organization (WHO) ang pagkabahala nito dahil sa napakababang vaccination rate sa mga nakatatanda sa Pilipinas.

Ayon naman kay Cabotaje, dahil ito sa kakulangan ng suplay ng bakuna ngunit ayon sa opisyal, marami pa rin sa mga lugar ang hindi pa rin napapataas ang vaccination rate sa kabila ng pagkakahatid ng mas maraming dose ng bakuna.

Ani Cabotaje, ang iba pang dahilan ng mababang vaccination rate ay dahil sa duda ng mga nakatatanda bunsod na rin ng kawalan ng pamilyaridad ng mga ito sa online registration para sa bakuna. Kaya naman pwede ang walk-in COVID-19 vaccination para sa mga nakatatanda.

 

SMNI NEWS