Wanted na guro na miyembro ng KAGUMA, arestado sa Butuan City

ARESTADO ang isang guro na nakalista bilang number 18 sa most wanted criminal sa Northern Mindanao sa lungsod ng Butuan.

Kinilala ang guro na si Rosanilla B. Consad, 54-anyos, miyembro ng Katipunan ng Gurong Makabayan (KAGUMA) na isang underground organization ng Communist Party of the Philippines–New People’s Army–National Democratic Front ( CPP-NPA-NDF).

Naaresto si Conrad na isang public school assistant principal ng San Vicente National High School, sa Montilla Blvd., Brgy. Rajah Humabon ng nasabing lungsod, base sa isang arrest warant na inisyu ng 10th Judicial Region, Municipal Circuit Trial Court, Tubay-Santiago, Agusan del Norte noong Marso 15.

Sa pamamagitan ng pagtutulungan ng Regional Intelligence Division 13, Regional Intelligence Unit 13, National Intelligence Coordinating Agency (NICA) 10, Butuan City Police Station 1, at Armed Forces of the Philippines naaresto si Consad dahil sa pamamaril kay Private First Corporal Junrel Cornelio at CAFGU Active Auxiliary Emiliano Sajol, Jr.

Binaril sina Cornelio at Sajol na kapwa miyembro ng 29th Infantry Battalion habang nagsagawa ng combat patrol operation sa Sitio Manhupaw, Brgy. Poblacion 2, Santiago, Agusan del Norte noong Nobyembre 21, 2020.

“Ang kanyang pagkahuli ay magbibigay hustisya sa mga kawal ng pamahalaan na patuloy na ibinibuwis ang sariling seguridad at kaligtasan sa ngalan ng kapayapaan,” ayon kay Brig. Gen Romeo M. Caramat, Jr., Police Regional Office 13 (PRO-13) Director.

Maliban sa miyembro ng Kaguma, pinamunuan din ni Consad ang Regional Urban Committee (RUC), Regional White Area Committee (RWAC) at Northeastern Mindanao Regional Committee (NEMRC).

Miyembro rin si Consad ng General Assembly Binding Women for Reforms, Integrity, Leadership, and Action (GABRIELA) at lumahok sa mga protesta sa Butuan City sa 47th Martial Law commemoration noong Setyembre 20, 2019, at selebrasyon ng Labor Day noong Mayo 1, 2019.

Kasabwat din umano si Consad sa recruitment ng mga kabataan at estudyante para lumahok sa komunistang grupo at kinilala rin bilang urban party committee member ng CPP-NPA-NDF sa Caraga Region.

(BASAHIN: Mandatory drug test sa mga drayber at konduktor ng isang bus company sa Butuan, ipinag-utos)

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published.