NANINDIGAN si Senator Ronald ”Bato” Dela Rosa na walang nagawang krimen ang war on drugs ng nakaupong administrasyon.
Ito ang inihayag ni Dela Rosa sa budget hearing ng Commission on Human Rights (CHR) sa Senado.
Matatandaan na sa pahayag ng CHR sinabi nitong suportado nito ang ikinakasang imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) laban sa war on drugs ni Pangulong Duterte.
‘’Ipikit ko man ‘yung mata ko, i-open ko ‘yung mata ko, eh wala akong makitang crimes against humanity…But anyway, sabihin mo mang biased ako…basta kahit sino sigurong tanungin mong Pilipino, kung meron bang crimes against humanity na nangyayari dito sa ating bansa ngayon, wala man akong nakikita,’’ayon kay Dela Rosa.
Hindi rin aniya pabor si Dela Rosa na maimbestigahan siya ng ICC sa kaniyang involvement sa war on drugs bilang dating PNP Chief ni Pangulong Duterte.
Aniya mas nanaisin niyang maimbestigan dito sa bansa kaysa ng mga banyaga.
‘’Alam mo bilang Pilipino I would rather be tried, convicted, and even hanged before a Filipino court, rather than being tried, convicted and hanged before a foreign court. So ‘yun lang ang gusto kong iparating sa’yo because being a Filipino, it’s also my right,”dagdag nito.
Pero ang CHR nanindigan na kailangang maipakita ang kooperasyon ng bansa sa ICC at ipakita na maayos ang justice system sa bansa, bagay na binira naman ni Dela Rosa.
‘’Ang kailangan po nating gawin talaga, ipakita na ang legal system natin operates in a way that is consistent with the national and the international standard,’’ayon kay Jose Luis Gascon.
“I don’t think kailangan pa nating ipakita dahil nakikita naman talaga na working ‘yung ating criminal justice system…It’s working. Really working. Ang mahirap lang diyan is ICC is masyadong naniniwala sa mga nag-rereport sa kanila which is biased. I am very sure, politically biased. If not, baka hindi lang ito politics, kundi ito’y handiwork na ng mga malalaking drug syndicates na tinamaan ng ating war on drugs,”ayon kay Dela Rosa.
Sa kabila nito ay aprubado na ng Finance Sub Committee ang 865-M na proposed budget para sa CHR sa susunod na taon.