War on Drugs ni FPRRD hinahanap-hanap ng publiko

War on Drugs ni FPRRD hinahanap-hanap ng publiko

MAS hinahanap pa rin ng publiko ang matapang at walang takot na kampanya kontra droga ng dating administrasyong Duterte.

Sa gitna ng muling pamamayagpag ng ilegal na droga sa bansa, ramdam ng ilang magulang at estudyante ang pangamba at kawalan ng seguridad, dahil ngayon, tila wala nang hadlang sa pagpasok ng shabu sa Pilipinas.

“Ibalik na lang ‘yung dati. Mas masasabi mong safety, safe,” ayon kay Aling Joan, Self-Employed.

Ito na lamang ang nasambit na panghihinayang at panawagan ni Aling Joan para kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Ayon sa kaniya, mula nang matapos ang termino ng dating Pangulo, doon naman tila nagsimulang bumuhos at lumaganap ang pagpasok ng ilegal na droga sa bansa.

Giit niya, paano na ang kaligtasan ng kaniyang pamilya at ang kinabukasan ng kaniyang mga anak, kung sa bawat sulok ng kanilang paligid ay may nakaambang panganib mula sa ipinagbabawal na gamot?

“Hindi lang nakakatakot sobrang nakakatakot…’yung drugs lalo na nakakatakot talaga,” dagdag ni Aling Joan.

Si Tatay Adriano naman, agad na naalala si Pangulong Duterte nang mabalitaan niya ang sunod-sunod na isyu ng bilyong pisong halaga ng palutang-lutang na shabu sa iba’t ibang baybayin sa bansa.

Aniya, malayong-malayo na ang sitwasyon ngayon, dahil mas nakakatakot na aniya ang tila kawalang-aksiyon ng kasalukuyang administrasyon, lalo na pagdating sa kampanya kontra ilegal na droga.

Batay sa kaniyang karanasan at obserbasyon, hindi aniya basta-basta nakakapasok noon ang mga kontrabando sa bansa sa ilalim ng pamumuno ni dating Pangulong Duterte at tiyak na may kalalagyan ang sinumang gumagamit o sangkot sa ipinagbabawal na gamot.

“Kapag mayroong nahuhuling ganyan, tinotokhang ng mga pulis, kaso ngayon wala na bumabalik na naman sa dami,” wika ni Tatay Adriano, Sel-Employed, Quezon City.

Muling paglaganap ng ilegal na droga, nagdudulot ng takot at agam-agam sa mga komunidad

Hinala ng ilan, kahit hindi sila eksperto, posibleng may mga nasa likod ng patuloy na pagpasok ng ilegal na droga sa bansa.

Kasabay nito ang kanilang pangamba sa sariling seguridad, lalo na kung ang mga kontrabando ay naipakalat na sa mga komunidad at maging ang sarili nilang kaanak ay maaaring mabiktima ng paggamit ng ipinagbabawal na gamot.

“Siguro may mga kinakapit-kapitan kaya kumakalat ang mga ganyan, may mga impluwensiya ang nakakaalam po eh.”

“Tapos isa sa mga anak ang hindi makaiwas, sana tutukan po nila,” saad ni Aling Nitz, Self-Employed, Quezon City.

Noong nakaraang buwan hanggang nitong nakaraang linggo, halos araw lamang ang pagitan ng mga ulat, at muli na namang nakarekober ang mga awtoridad ng mga kontrabando sa iba’t ibang baybayin ng bansa. Kabilang na rito ang P10B halaga ng hinihinalang shabu na nasabat mula sa isang shipment sa karagatan ng Zambales.

Bukod pa rito, isa pang kahina-hinalang maleta ang natagpuan sa kahabaan ng Friendship Road, Pasinaya Homes Central, Barangay Sabang, Naic, Cavite noong Hunyo 20, 2025.

Ang maleta ay may lamang hinihinalang shabu na tinatayang may bigat na 30 kilo o katumbas ng mahigit P200M.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, sinadyang ihulog ang naturang maleta, at inaasahang may kukuha sana nito sa lugar.

Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang mga nasa likod ng insidente at mahinto ang paglaganap ng kontrabando sa bansa.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble